Ang paghahari ng Diyos

Sa pagdating ni Jesus, ang paghahari ng Diyos ay dumating sa mundo. Si Jesus ay naglibot. Nagpalayas siya ng mga demonyo. Pinagaling niya ang lahat ng uri ng mga karamdaman. Ibinahagi niya ang kanyang kapangyarihan sa kanyang mga alagad. Subalit hiningi rin niya sa kanila ang isang uri o estilo ng pamumuhay. Kailangan nilang mamuhay ng simple at payak.

Pakinggan natin ang ilang mga alituntunin ni Jesus (Mt. 10:7-15).

‘‘Humayo kayo at iparangal ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ninyo ang mga demonyo. Yamang tumatanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng salapi – maging ginto, pilak o tanso – sa inyong mga lukbutan. Huwag din kayong magdala ng supot sa inyong paglalakbay, ni bihisan, pampalit na panyapak, o tungkod; sapagkat ang manggagawa ay may karapatan sa kanyang ikabubuhay.

‘‘At saan mang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan, at manatili kayo roon habang kayo’y nasa lugar na iyon. Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’’ Kung karapat-dapat ang mga tao sa bahay na iyon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong bati. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo ito. At kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok ng inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang ipaparusa sa mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.’’


Kailangang pagpalain ng mga alagad ang mga tahanang tatanggap sa kanila. Ang pagpapalang ito ay isang panalangin para sa kapayapaan ng lahat ng nasa tahanang kanilang tutuluyan. Kung hindi sila tatanggapin ng bahay na kanilang dapat tuluyan, dapat nilang bawiin ang pagpapalang inihahandog nila. Ang pagpapala at kapayapaang iniaalok nila at mga biyayang kaakibat nito ay babalik sa mga taong bumigkas ng pagbati.

Ang Sodoma at Gomorra ay pinarusahan sapagkat hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga kasalanan. Mas malala pa ang mangyayari doon sa mga hindi tumanggap sa mga alagad. Si Jesus ang nag-aalok ng kaligtasan at kapayapaan.

Tiyakin na hindi ninyo tinatanggihan ang mga alok ni Jesus sa inyo. Maging mapagmatiyag sa mga inihahandog ni Jesus sa inyo. Na ang Diyos ay naghahari sa inyong isip at puso ay nangangahulugan na tiyak kayong umuusad patungo sa layuning itinakda ni Jesus para sa inyo.

‘‘Primum Regnum Dei’’ – Ang paghahari ng Diyos ay una at palaging nangunguna.

Show comments