May problema ang kalidad ng kanilang komunikasyon hindi lang sa kanilang mga miyembro kundi pati sa mga namumuno sa bawat dibisyon.
Napag-alaman ng BITAG na nakakaabot kay GSIS President Winston Garcia ang bawat problema sa bawat dibisyon. Subalit wala raw itong nagagawa ayon na mismo sa nakausap naming Division Manager ng Employees Compensation, si Marcelino Alejo.
Tinamaan kami ng matinding awa sa reklamo ng isang ginang ng pulis mula sa Lamitan, Basilan, si Mrs. Leonila Langomez. "Nahilo" sa sistema ng GSIS kung kayat himingi na ng saklolo sa Imbestigasyon ng BAHALA SI TULFO.
Ilang buwan nagpabalik-balik si Mrs. Langomez sa GSIS. Ang nakakahabag dito ay ilang buwan na ring nakaratay ang kanyang mister na pulis sa Basilan na may cancer at kumplikasyon sa kidney.
Sa halip na kaawaan, tulungan at solusyunan ang problema, itinuturo ng GSIS ang pagkukulang sa Philippine National Police dahil hindi raw ito nag-reremit ng mga contributions.
Nung pinanghimasukan na namin ang reklamo saka pa lang nalinawan ang pobreng ginang na marunong din naman umintindi.
Simpleng problema, ang kailangan lang ay malinaw na paliwanag, hindi yung pinaiikot-ikot yung pobre at kung sinu-sino ang pinagtuturo. Ganito ang sistema ng komunikasyon sa GSIS.
Ang problema ay ang inyong sistema. Nasa pamamalakad ng mga namumuno. May problema ang komunikasyon ng mga namumuno sa GSIS.
Hanggat hindi nyo ito nakikita, mananatili ang problema at iikut-ikot lang ito sa inyong institusyon.
Tandaan, "The quality of your communication is the quality of your organization", ito ay ayon sa Success Expert on Personal and Organizational Development, na si Anthony Robbins.