Palibhasa kung ano lang ang mabasa natin sa diyaryo o marinig sa radyo at telebisyon ang ating nalalaman. Kaya sinilip natin ang bahagi ng 100-pahinang desisyon.
Nakakita tayo ng 3-puntong batayan ng Korte: Una - Ilegal ang kontrata dahil ini-award sa hindi kuwalipikadong bidder na pinalusot ng Pre-qualification, Bids and Awards Committee (PBAC). Ayon sa desisyon, ang PIATCO na binubuo ng tatlong kompanya -Paircargo, PAGS at Security Bank ay mayroon lamang P500 milyon sa panahon ng bidding. Ang requirement ng PBAC ay P2.7 bilyon o 30 porsyento ng halaga ng proyekto na P9.1 bilyon;
Pangalawa ilegal ang concession na ibinigay sa PIATCO. Siningitan ng ilang paborableng kondisyon matapos i-award ang kontrata. Inamin ito ng PIATCO sa media. Anang mga spokesman ng PIATCO, sila raw ang nagdurusa sa mali ng PBAC na pumayag baguhin ang ilang probisyon ng konsesyon. At sino ang nagrekomenda ng pagbabago? Anang mga spokesman ang kanilang "senior lender."
Anang Korte, ang kontratang pinirmahan ay hindi na ang orihinal na pinagtawaran ng mga lumahok na bidder. Labag ito sa batas ng fair at open bidding, anang SC; Pangatlo May paglabag sa Build-Operate-Transfer (BOT) law sa guarantee provision na isiningit sa konsesyon matapos maigawad ang kontrata. Bawal ang pagbibigay ng pamahalaan ng direct o indirect subsidy o garantiya sa pagkakautang ng mga project proponent. Sa kaso ng PIATCO, aakuhin ng pamahalaan ang utang ng kompanya kung hindi na ito makapagbayad sa mga obligasyon.
Tambak din ng katiwalian ang pagtatayo ng Terminal-3 ng PIATCO. Mula sa kasunduang $350 milyon, umabot ng $520 milyon ang halaga ng terminal ay kailangan pa ng $150 milyon para makumpleto. Bakit? Marami daw kasing sinuhulang opisyal ng pamahalaan kapalit ng juicy contract.