'Panganib ng isang mamamahayag'

HINDI KO ALAM KUNG MATATAWA BA AKO, MAIIYAK BA O MAGAGALIT, nang madinig ko ang balita na binigyan ng "assurance" ang pamilya ng napatay na media man na si Apolinario "Polly" Pobeda. Si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang nagsabi sa pamilya ni Polly na mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay nito.

Hindi pa nga nahuhuli si Police Officer Guillermo Wapile, nangangako na itong Commander-in-Chief at Presidente natin na mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Polly Pobeda. Ano ba ito? Publicity na wala namang resulta? Gimmick para pa-pogi points? Aksyon ang kailangan!

Si Guillermo Wapile ang pumatay sa isa pang media man mula sa Pagadian City na si Edgar Damalerio.

Hanggang si Director General Hermogenes Ebdane ang nakaupo d’yan, bilang PNP DIRECTOR GENERAL hindi bababa ang ating "criminality rate." Wala tayong maaasahang kaayusan sa ating "peace and order" situation sa ating bayan. Eh, si Director Ricardo de Leon lang naman ang bilib d’yan!

Gaano ba kahirap ang maging isang journalist? Kaakibat nito ang lahat ng uri ng death threats. Kung pagpaplanuhan ang isang mamamahayag para patahimikin, napakadali mga kaibigan. Lakasan ng loob, may kasamang pag-iingat at malaking tulong sa Panginoon ang aming tanging pinanghahawakan.

Ano ba ang pinanggagalaiti ko? Dadami ang dugong dadanak mula sa aming mga mamamahayag. Bakit? Dahil hindi malutas ni Director General Ebdane at ng kanyang mga kaalyado ang mga brutal na pagpatay sa mga public servants na ang tanging nais ay makapaghayag ng malaya tungkol sa mga api at katiwalaan sa ating lipunan.

Ako lang nung nag-umpisa akong magsulat kamakailan, tungkol sa "jueteng" isang katutak na death threaths ang tinanggap ko sa aking cellphone. Pati sa aking land line. Ilang araw din akong banat nang banat ng tungkol sa jueteng, nahinto ba? Hindi patuloy pa rin dahil sa mga buwayang PNP officials, local officials at mga protektor nito. Mag-eeleksyon. Kailangan ng pondo para sa kampanya. Nananawagan na lang ako sa ating mga kababayan na tigilan na lamang ang pagtataya sa illegal numbers game na ito dahil ang solusyon ay hindi rin maibibigay ni DILG Joey Lina dahil na rin wala siyang suporta mula sa PNP lalung-lalo na sa namumuno nito. Sana hindi na ma-extend pa ang termino nito pagdating ng retirement date ni Ebdane.

Estupido ang paghihigpit ng guide lines tungkol sa threat sa buhay ng isang tao. Kailangan daw "that the threat is so imminent and real." Aba ano pa bang pruweba ang gusto nitong mga utak biya na mga ito na delikado ang buhay ng isang media man. Ilan na ba sa inyong statistics ang mga napatay o malubhang nasugatan na print and broadcast journalist para ma-classify n’yong may "imminent and real threat" nga?

Nananawagan tayo kay Kabayang Sen. Noli de Castro, kay Sen. Lovely Loren Legarda, baka naman maari kayong magpasa ng house bill tungkol sa pagbibigay halaga at kung ano mang proteksyon para sa mga kapatid n’yo sa hanapbuhay. Journalists kayo at kung magagawa n’yo ito, marami rin kayong kapatid sa hanapbuhay (dati) ang inyong matutulungan. Mula pa kay Tim Olivares, Danny Hernandez, ngayon ang pinakabagong mga biktima, hindi na natin kayang isa-isahin pa. Aantayin pa ba natin na dumami pang mga mamamahayag na mamamatay muna bago mabigyan ng proteksyon. O mabigyan namin ng proteksyon ang aming sarili?

Masisisi n’yo ba ako na kung sa sariling bahay ko, nakatatanggap ako ng sulat na nananakot na pasasabugin daw ang bahay ko kapag hindi ako tumigil sa pagbabatikos sa jueteng. Gawin n’yo na ang kailangan n’yong gawin para patahimikin ako subalit ito ang sinumpaan naming tungkulin.

Hindi pa kayong mga politiko o mga opisyales ng Philippine National Police, kapag dumating ang panahon sa media din kayo lumalapit para matulungan kayo. Ano naman ang ginagawa n’yo para sa amin, sa ikaliligtas ng aming buhay?

"Assurance ni PGMA" na magkakaroon ng hustisya para kay Lucena broadcaster Polly Pobeda? PANIS NA YAN! Tulungan mo kami Madame’ President o Sec. Joey Lina na magkaroon kami ng proteksyon para sa aming sarili. Marunong din kaming lumaban at ipagtanggol ang aming sarili, pamilya at konting naipundar sa buhay. Mag-isip naman kayo d’yan!

PARA SA ANUMANG COMMENTS O REAKSYONS SA ARTIKULONG ITO, MAAARI KAYONG MAG-TEXT SA 09179904918. MAAARI RIN KAYONG TUMAWAG SA 7788442.

Show comments