Nagsalita sa meeting ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) si Takano noong Huwebes at sinabi niyang hindi siya nakatulog nang mahimbing sa gabi maski man isa sapagkat laging may banta. Lagi aniya silang nasa panganib. Sinabi pa ni Takano na maraming Japanese ang may impression na ang peace and order situation sa bansa ay masyadong masama. At ang impression na ito ang nagiging dahilan para mag-alisan ang mga potential tourists at investors. Laganap aniya ang kidnapping na ang karaniwang nabibiktima ay mga Japanese nationals. Bukod sa kidnapping nakababahala ang banta ng mga terorista at ang mga pambobomba. Ginawang halimbawa ni Takano ang ginawang pangingidnap sa isang Japanese sa Mindanao ngayong taong ito at ang pag-abduct at posibleng pagpatay sa isa pang Japanese sa Cebu. Ang problema aniya sa peace and order ay ipinabatid na kay Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng Japanese Chamber of Commerce and Industry (JCCI) subalit hindi naaaksiyunan.
Marami ang nasaktan sa mga pahayag ni Takano. Hindi raw dapat nagsalita ng ganoon ang ambassador. Walang ipinagkaiba sa nadamang sakit nang ipahayag naman ni US Ambassador Francis Ricciardone noong nakaraang taon na laganap ang corruption sa Pilipinas at ito ang dahilan kaya nag-aalisan ang mga dayuhang investors. Maraming senador ang nagpahayag ng galit sa US ambassador. Pero ang pahayag na iyon ang naging daan para itatag ni Mrs. Arroyo ang Presidential Anti-Graft Commission (PAGC).
Maaaring hindi makatulog nang mahimbing si Takano dahil sa pangamba. Hindi bat ganito rin ang nararanasan ng taumbayan sa gabi na baka salakayin sila ng akyat-bahay gang o kung nasa labas naman ng bahay ay baka biktimahin ng mga holdaper at iba pang masasamang loob.
Sa halip na magalit ang mga mambabatas kay Takano, bakit hindi gawing hamon ang kanyang mga sinabi. Tingnan kung may katotohanan ang sinabi ng ambassador. Ipakitang kayang durugin ang masasama at mapanatili ang kaayusan para makatulog nang mahimbing.