Ang handog na kapayapaan

ANG mundo ay uhaw sa kapayapaan. Subalit may mga nagnanais ng kapayapaan sa pamamagitan ng pakikidigma. Ito ay imposible. May kasabihan: "Walang daan sa kapayapaan. Kapayapaan ang daan." At ang Ebanghelyo na ating susundan ngayon ay nagbibigay sa atin ng kapayapaan ni Jesus (Juan 14:27-31).

"‘Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, "Ako’y aalis, ngunit babalik ako." Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat dakila ang Ama kaysa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung mangyari na, kayo’y manalig sa akin. Hindi na ako pakahahaba ng pagsasalita sa inyo, sapagkat dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, subalit dapat makilala ng sanlibutan na iniibig ko ang Ama at ang ginagawa ko ang iniuutos niya sa akin. Tumindig kayo tayo na!’"


Hindi kaya ng tao na magkaroon ng kapayapaan mula sa kanyang sarili. Ang kapayapaan ay handog ni Jesus. Sa kanya mismong kapanganakan, ito ay ipinahayag ng anghel, "Kapayapaan sa lupa at doon sa mga kinalulugdan niya."

Si Mahatma Gandhi, na hindi isang Kristiyano, ay isang taong mapayapa at taong pangkapayapaan. Si Nelson Mandela ay isa ring taong pangkapayapaan. Si Jean Goss at kanyang asawang si Hildegard Goss-Mayr ay nagdala ng kapayapaan sa Timog Amerika.Nagdala rin sila nito sa Pilipinas. At kung kaya’t patuloy naming itinataguyod ang mga gawaing pangkapayapaan dito sa atin at sa ibang panig pa ng mundo. Ang kapayapaang aming ipinapahayag ay ang kapayapaan ng ipinapahayag ng Ebanghelyo.

Sa harap ng mga digmaang nangyayari sa iba’t ibang dako ng mundo, mayroong pag-asa. Ang kapayapaan ni Jesus ay patuloy na ibinibigay sa buong sangkatauhan.

Show comments