Ang puno at mga sanga

UPANG ipaliwanag kung sino si Jesus at ang ating ugnayan sa kanya, ginamit niya ang halimbawa ng puno at mga sanga (Jn. 15:1-8).

"‘Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayon din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.

"‘Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin.

Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang mga salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkakaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo. Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.

"‘Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa Ama.’"


Ang puno’t mga sanga ay isang kaisahan. Sila’y namumunga.Ang ubas, halimbawa, kapag naputol ang sanga nito mula sa puno, ay di-maaaring mamunga. Sa katunayan, ito ay namamatay.

Ang bungang ating tinutukoy dito ay ang biyayang nagpapabanal. Ito ay ang buhay na siyang nagiging daan upang makibahagi tayo sa pagka-Diyos ng Diyos. Ang buhay ng Ama, ang buhay ni Jesus, ang buhay ng Espiritu Santo ay atin ding buhay. Ang buhay mismo ng Diyos ay atin ding buhay.

Ang isang sangang hiwalay sa puno ay walang-saysay. Ito ay pinuputol at itinatapon sa apoy. Ano ang naghihiwalay sa atin, na mga sanga, mula sa puno na si Jesus? Ang kasalanan –ang malala o malaking kasalanan ang naghihiwalay sa atin kay Jesus. Subalit maaari tayong maging kaisa muli ni Jesus sa pamamagitan ng tunay at taos na pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagtamo ng kapatawaran sa pamamagitan ng isang mapagkumbabang pangungumpisal.

Show comments