May concession fee na P300 milyon na dapat bayaran ang PIATCO sa pamahalaan noong nakaraang taon sa operasyon ng Terminal 3 sa NAIA. Pero hindi na umano ito masingil porke P2 milyon na lang ang natitira sa pera.
Iyan ang laman ng statement ng PIATCO sa pamahalaan bago pa ibasura ng Supreme Court ang PIATCO contract. Matapos suriin ng COA, lumilitaw na malaking bahagi ng halaga ang nalustay na ng PIATCO at ang natiray dalawang milyon na lang. Ito ay dahil sa malaking nagastos umano ng PIATCO na ipinapasa bilang lehitimong gastusin sa proyekto kaugnay ng pagtatayo ng Terminal 3. Ano ang rason?
Isinasaad kasi sa ibinasurang kontrata na iri-reimburse ng pamahalaan sa PIATCO ang lahat ng legitimate expenses sa pagtatayo ng proyekto. Gayundin, magbabayad ng taunang P300 milyong concession fee ang PIATCO sa pamahalaan sa operasyon ng terminal.
Suriin natin ang ilan sa mga ginastos ng PIATCO at kayo ang humusga kung ang mga itoy maituturing na lehitimo na dapat ibalik ng pamahalaan sa naturang kompanya: P402,550 sa golf tournament P50,989 sa entertainment expenses sa Punta Baluarte at P13,500 na halaga ng simpleng regalo kay dating DOTC Sec. Vicente Rivera na siyang namagitan sa approval ng Amended Reinstated Concession Agreement ng PIATCO. Gumastos din umano nang katakut-takot ang ilang opisyal ng PIATCO sa kanilang pagpunta sa Germany para kumbinsihin ang Fraport na maging technical partner.
May iba pang gastusing hindi nakadetalye sa impormasyong natanggap ko pero tama ba na itoy ibawas sa itinatadhana ng kontrata na concession fee para sa pamahalaan? Para patunayan ng COA ang discrepancy na ito, hinihingi nito ang libro ng PIATCO pero patuloy daw itong tumatanggi. Bakit?
Ang P300 milyon ay maliit na halaga marahil pero ang nakapaloob na anomalya rito, gaya nang ating nabanggit ay dambuhala na dapat siyasatin lalo pat itoy panggogoyo sa ating pamahalaan.