Lumalawak at sumasabog pa ang mga kung anu-anong akusasyon sa AFP. Sumisingaw ang baho at hindi na mapigilan. Sa kabila na maraming akusasyon sa AFP, sinabi naman ni President Gloria Macapagal-Arroyo na nananatili siya sa panig nito. Itinanggi naman ng AFP ang mga paratang sa kanila.
Ngayoy hindi lamang ang pakikipagsabwatan sa mga kaaway ng lipunan ang sumasabog laban sa military. Pati pang-aabuso sa karapatang pantao ay lumulutang. Marami ang nag-aakala na ang pang-aabuso ay nahinto na makaraang maguho ang rehimen ni dating President Ferdinand Marcos na ginamit ang sundalo para sa kanyang pamumuno. Mali ang akala sapagkat magpasahanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin ito. Maraming nagrereklamo na ang kanilang asawa, anak, kapatid, kamag-anak ay dinukot ng military at pagkaraan ay natagpuang patay. Inaakusahan umanong mga sumusuporta sa New Peoples Army (NPA). Laganap sa maraming panig ng bansa ang umanoy hindi makatarungang pagpapahirap ng sundalo sa mga sibilyan.
Sa Oriental Mindoro ay laganap ang pang-aabuso sa karapatang pantao. Hindi na mabilang ang mga taong dinukot at pinatay ng military. Pinakahuli sa nakalasap ng pang-aabuso ay ang dalawang human rights activists na si Eden Marcellana at Eddie Gumanoy na umanoy dinukot ng mga hinihinalang military noong April 21, 2003.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) sa karumal-dumal na pagpatay. Lumulutang na mga "bata" ni Army Col. Jovito Palparan ang mga nagsagawa ng pagpatay. Sinibak na si Palparan subalit ang pumalit sa kanya bilang commander ng 204th Army Brigade ay hindi nakikipagtulungan para maisurender ang mga sundalong sangkot sa pagdukot, pagpapahirap at pagpatay.
Anong nangyayari sa AFP? Bumabalik sa masamang kahapon. Dapat matigil na ang pang-aabuso.