Iisa lamang ako sa halos mapaiyak habang pinapanood ang Michael Jordan Tribute na ipinalabas ng Solar Sports na ang host ay si Chino Trinidad. Makabagbag damdamin ang paglalahad sa kasaysayan ni Michael Jordan lalo nat mismong naroroon ako ng personal na nanonood sa sports center sa ilang pinaglaruan ng super legend na bahagi ng ipinalabas sa nasabing Tribute.
Sumasang-ayon ako na wala nang maaaring makapantay kay Jordan dahil lamang sa paglalaro ng basketball. Siya na marahil ang matatawag na simbolo ng isang kaaya-ayang atleta hindi lamang sa kanyang laro kundi sa lahat na nang general competitive sports na tulad ng baseball, football o boxing.
Naala-ala ko tuloy nang minsang palarin ako na makamayan si Jordan maraming taon na ang nakakaraan sa restaurant niya sa Chicago. Sa tanda ko nang ito, para akong isang fan ng isang superstar dito sa ating bansa na hindi ko malaman kong ako ay hihimatayin sa tuwa. Naroon akong tulalang nasa harapan ng isang napakataas na lalaki na napakatamis ng ngiti at mainit na nakikipagkamay sa akin. Ang pagkakataong ito ay hindi ko na maaaring makalimutan sa aking buong buhay.
Sana ay nakapagbigay ng magandang halimbawa at inspirasyon si Jordan sa ilan nating mga manlalaro sa buong daigdig lalo na sa mga kabataan. Inaasahan kong kahit na matatagal pang may magmamana rin ng katanyagan, kabutihan at kasiyahang idinulot ni Michael Jordan, nawa ay may lumitaw din na isa man lamang Jordan na magpapaligaya at magsisilbing simbolo ng isang mabuti at kaaya-ayang atleta lalo na dito sa ating bansa.