Sa laki ng bayad sa trustees at managers, palpak din ang palakad. Nalulugi ang SSS at GSIS ng mahigit tig-P6 bilyon dahil sa mga ma-anomalyang investments, lalo na nung panahon ni Erap. Sa ilalim nina dating SSS president Carlos Arellano at GSIS general manager Federico Pascual, ginamit ang pera ng mga miyembro para ibili ng shares of stock sa croniy companies. Nakinabang nang husto ang BW Corp., Waterfront Hotel, Equitable Bank, Belle Resources at Security Bank. Kumomisyon si Erap sa mga transaksiyon, na hinulog sa Jose Velarde account.
Ngayong bago na ang trustees ng SSS at GSIS, hindi tinutugis ang mga dating trustees at kakutsabang managers na nagwaldas ng pera. Sa halip, tinataasan ang hulog ng employers, at binabawasan ang benefits.
Hindi mangyayari ito kung maging transparent lang ang palakad ng trustees at managers. At magiging transparent sila kung bigyan lang ng karapatan ang SSS at GSIS members na bumoto ng board of trustees at mag-appoint ng managers.
Magandang halimbawa ang CalPERS (California Public Employees Retirement System). Tulad ng SSS at GSIS, naghuhulog ang members ng CalPERS buwan-buwan mula sa kasalukuyang sahod para sa kanilang retirement. Binoboto nila ang trustees at ina-appoint nila ang managers. Masigasig ang mga ito sa trabaho. Maingat nilang ini-invest ang pera ng members para kumita nang bilyun-bilyong dolyar.
Kung hindi rin lang makakaboto ng trustees ang SSS at GSIS members, huwag na dapat gawing sapilitan ang paghulog. Kumbaga, no taxation without representation. Walang kaltas kung walang boto.