Nag-init din ang ulo ko kaya nagkasagutan kami. Hindi nagtagal at nagkasubukan pa kami. Sinuntok ko siya at sa lakas ng suntok, natumba siya at tumama sa bato ang kanyang ulo. Nang makita kong nadurugo ang ulo ni Chris agad namin syang isinugod sa isang pribadong ospital.
Pagdating namin sa emergency room ay hinihingan ako ng deposit para sa pagpapagamot ngunit wala akong dalang pera. Dahil dito, ayaw tanggapin ng ospital si Chris at sinabi pang lumipat na lang kami sa pampublikong ospital.
Maaari bang tanggihan ng isang pribado o pampublikong ospital ang isang pasyenteng nangangailangan ng emergency treatment? ROBERT RODRIGUEZ, Quezon City
Hindi. Mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng R.A. 8344 ang hindi pagbibigay ng medical attention sa isang pasyenteng nangangailangan nito kung ito ay walang deposito. Kahit walang sapat na kagamitan ang ospital para i- treat ang pasyente, wala ring karapatan ang ospital na tanggihan ang pasyente. Kailangan munang bigyan ng paunang lunas ng ospital na unang pinagdalhan bago ito ilipat sa ibang ospital na may kakayahan ng gamutin ang pasyente. Kung hindi naman malubha ang pasyente, maaari ipaliwanag ng ospital sa pasyente na mas makakabuti na sa ibang ospital ito dalhin dahil sa walang sapat na kagamitan o doctor upang gamutin ang karamdaman nito. Hindi kayo dapat tinanggihan ng ospital na pinuntahan ninyo.
Ang parusang maaaring ipataw kapag tinanggihan ng ospital ang pasyente ay pagkakabilanggo na hindi kukulang sa anim na buwan at isang araw pero hindi hihigit sa dalawang taon at apat na buwan, o pagbabayad ng multang hindi kukulang sa P20,000 pero hindi hihigit sa P100,000, o pareho, depende sa discretion ng Korte.