Ang pangyayari ay isa na namang hamon sa kapulisan. Nasaan ang mga pulis na ang tungkulin ay magbigay proteksiyon at magsilbi sa komunidad? Maraming beses na naming nasabi na ang police visibility ang pinakamainam na paraan upang mapigilan ang mga magnanakaw at mga halang ang kaluluwa na makagawa ng masama sa kanilang kapwa. Nawawala na naman ba ang mga pulis ngayong tumahimik na ang pananakot ng mga terorista at nawala ang usapan sa pambobomba? Nang maganap ang pagsabog sa Davao may ilang linggo na ang nakararaan, naghigpit ang mga awtoridad at makikita ang mga pulis na nakakalat sa lansangan. Pati sa gabi ay makikita ang mga pulis na may mga kasamang barangay tanod para magbantay. Wala na sila ngayon sapagkat tumahimik na ang pananakot na pambobomba. Ningas-kugon na naman ang Philippine National Police.
Ang panghoholdap din naman sa mga restaurant ay nagiging matindi na rin sa kasalukuyan. Dalawang beses nang bumabanat ang Resto Gang at tila walang magawa ang pulisya para mapigil ang grupo. Hinoldap ng Resto gang ang Outback Restaurant sa Libis, Quezon City at pagkaraan ay ang Kamameshi Restaurant sa Greenhills. Habang kumakain ang mga customers ay biglang sumulpot ang mga holdaper at kinuha ang kanilang mga alahas, cellphones, pera at iba pang mahahalagang bagay. Kakatwa namang hindi kinuha ang pera sa kaha.
Saan pa bang lugar sa Pilipinas ligtas ang mamamayan? Wala na. Kahit saang lugar ay naroon ang masasamang loob at naghahasik ng lagim. Nasaan ang mga pulis? Ewan. Abala sa pangongotong o pagtalima sa pagbabantay sa mga posibleng may SARS.