Pagpaparami ng tinapay

ANG pagmamalasakit ni Jesus sa mga mahihirap ay upang mabigyan sila ng pagkaing kanilang kinakailangan. Subalit paano pakakanin ninuman ang limang libo katao? Naghimala si Jesus. Pinarami niya ang tinapay at isda na makakasapat sa bawat isang kakain.

Pakinggan natin ang salaysay ni Juan (Jn. 6:1-15).

"Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga kababalaghang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa burol kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. (Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio.) Tumanaw si Jesus, at nakita niyang dumarating ang napakaraming tao. Tinanong niya si Felipe, ‘Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?’ (Sinabi niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam ni Jesus ang kanyang gagawin.) Sumagot si Felipe, ‘Kahit na po halagang 200 denaryong tinapay ang bilhin ay di-sasapat para makakain nang tig-kakaunti ang mga tao.’ Sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, si Andres na kapatid ni Simon Pedro, ‘Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?’ ‘Paupuin ninyo sila,’ wika ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo ang lahat –humigit-kumulang sa limang libo ang mga lalaki. Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayon din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t gusto nila. At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, ‘Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.’ Gayon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.

"Nang makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Jesus, sinabi nila, ‘Tunay na ito ang Propetang paririto sa sanlibutan!’ Nahalata ni Jesus na lalapit ang mga tao at pilit siyang kukunin upang gawing hari, kaya muli siyang umalis na mag-isa patungo sa kaburulan."


Pinaupo ni Jesus ang mga tao sa damuhan. Pagkatapos, siya’y may ginawang mahalagang bagay: Kinuha niya ang ilang pirasong tinapay, binasbasan iyon, at inatasan ang kanyang mga alagad na ipamigay ang mga iyon sa mga tao. Nabusog ang lahat ng taong naroroon. Nang matapos silang kumain, pinagsama-sama nila ang mga natira. Nakaipon pa sila ng labindalawang bakol.

Anong aral ang matututunan natin dito? Dapat nating ibahagi sa mga mahihirap o mga nagdarahop ang anumang mayroon tayo. Kahit na tayo’y mahirap, dapat tayong magbahagi nang anumang kakaunting mayroon tayo. Kapag ganito ang ating ginawa, pararamihin ng Diyos ang mga bagay-bagay na makakatulong sa ating pangangailangan.

Show comments