Katulad halimbawa ng balita na kinakailangang i-quarantine muna ang mga pasahero sa airport (inbound and outbound) bago pasakayin ng eroplano. Isa pa, ang mga eroplano raw ng PAL na lumilipad sa Los Angeles at San Francisco ay kontaminado na ng SARS. Ang mga eroplanong ito ang siya ring ginagamit sa Hong Kong at China na sentro at pinaggagalingan ng nakahahawang sakit.
Mali ang natatanggap nilang balita ayon na rin sa sarili kong karanasan sapagkat nakailang ulit na akong nagparoon-parito sa US sakay ng PAL sa loob ng dalawang buwan. Nagkaroon ako ng pagkakataon na palawigin pa ang pagpapaliwanag sa bagay na ito sa mga interviews na aking ginawa bilang isang journalist at sa dalawang business meeting na kung saan ako ang naging guest speaker ay naisingit ko rin ang tungkol dito.
Nasisiguro ko namang may communication plan ang mananagement ng PAL upang harapin ang kakulangan ng pag-unawa ng mga kababayan natin sa Amerika tungkol sa SARS. Kararating ko pa lamang mula sa US, walang dapat ikabahala ang ating mga kababayan sa pagtungo nila sa Amerika at pagbisita nila dito sa ating bansa lalo na kung ang sasakyan nila ay PAL.