Pagkabuhay na muli at pag-akyat sa langit

NGAYON ay kapistahan ni San Marko. Siya ay isa sa mga Ebanghelista. Sa katunayan, siya ang naunang sumulat sa tatlong mga magkakahawig na manunulat (synoptic writers).  Si Mateo at Lukas ay dumipende nang husto kay Marko.

Ang Ebanghelyo ngayon mula kay Marko ay tungkol sa pagkabuhay na muli at pag-akyat sa langit ni Jesus (Mk. 16:15-20).

"At sinabi ni Jesus sa kanila, ‘Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: Sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang mga kamay.’

"Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Jesus ay iniakyat sa langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos.  Humayo ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako.  Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito.  Pinatotohanan niya  ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila."


Ang gawain ni Jesus ay kumpleto na.  Ipinahayag niya ang Mabuting Balita ng paghahari ng Diyos.  Siya’y nagpakasakit at namatay.  Nabuhay siyang mag-uli.  Ibinigay niya ang misyon sa mga alagad.  At umakyat na siya sa  langit.

Iminumungkahi naming basahin ninyo ang buong Ebanghelyo ni Marko, unti-unti, araw-araw. Tingnan ninyo kung anong liwanag ang makukuha ninyo.  Ang hindi ninyo maintindihan ay maaari ninyong ikonsulta sa isang taong maaaring makapagpaliwanag.  Pagnilayan yaong mga nauunawaan ninyo.  Sa ganitong paraan, mas higit ninyong makikilala si Jesus.  At mas maalab n’yo siyang mamahalin.  Sa ganoon, nanaisin ninyong tularan o sundan siya nang mas malapitan.

Ito ay isang paraan ng pagdiriwang sa kapistahan ni San Marko.

Show comments