Katotohanan na naglipana ang mga sex films ngayon para mabaling ang atensiyon ng madla at huwag pakaisipin ang mga pambansang isyu gaya ng kawalan ng trabaho at mataas na presyo ng mga bilihin.
Naturingan na merong board of censors pero tuloy ang ligaya ng mga film producers na gumawa ng mga pelikulang madaling gawin, hindi gaanong pinag-iisipan ang tema ng istorya at mabilis na pagkakitaan. Sa Pilipinas ay hindi naipatutupad ang film classification kaya kahit mga bold films ay napapanood ng mga menor de edad. Napakalaki ng epekto ng mga pelikulang malalaswa lalo na sa mga kabataan. Patunay ang maraming kaso ng rape, acts of lasciviousness at iba pa. Isang batang kinse anyos na nanood ng porno at nalasing sa droga ang gumahasa sa kanyang lola. Isang dose anyos na batang lalaki ang ginahasa ang apat na taong batang babae matapos na manood ng rated X na pelikula.
Palaswaan ang labanan ng mga pelikula na ang mga artistang bida ay batang-bata at bago sa madla. Kapapalabas lang ng pelikula na may sexual orgy ang isang torerong aktor at dalawang young bold stars na nagpapaligsahan sa husay sa pakikipagtalik. Napanood din ang pelikula ng isang baguhang sexy star na hinuhubaran habang hinahabol at ginagahasa ng mga rapists niya. Isang entry sa Manila Filmfest ang tumatalakay sa isang babaeng kulang sa pag-iisip na pinagsamantalahan. Drama ang dating pero ang kabuuan ay kalaswaan.
Mga sexy stars na sinasabing they come and go samantalang tuloy at malaya ang mga nagpoprodyus ng mga pelikulang malalaswa. Ano ang ginagawa ng gobyerno tungkol dito? Calling MTRCB!