Noong Lunes (April 21), dakong alas siyete ng gabi, dinukot ng mga lalaking naka-bonnet na nagpakilalang mga Alsa Masa sina Eden Marcellana, Eddie Gumanoy, Melvin Jocson, Francisco Saez at Virgilio Catoy. Nakasakay sila sa isang van ng dukutin sa bayan ng Naujan. Kinabukasan, April 22 natagpuan ang bangkay nina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy sa Bgy. Tigisan, Bansud, Oriental Mindoro. May saksak at dalawang tama ng bala sa mukha si Eden samantalang may tama si Gumanoy sa dibdib at batok. Ang tatlong dinukot ay buhay at natagpuan sa Bongabon.
Si Marcellana ay secretary general ng human rights watchdog Karapatan sa Southern Tagalog samantalang si Gumanoy ay chairman ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).
Nagtungo sa Mindoro ang dalawa para imbestigahan ang mga pang-aabuso sa karapatang pantao ng military na pinamumunuan ni Col. Jovito Palparan, commander ng Armys 204th Infantry Brigade. Mariin namang itinanggi ni Palparan ang akusasyon.
Ang ganitong uri ng pagpatay ay maaari pang magpatuloy kung hindi gagawa ng paraan si President Gloria Macapagal-Arroyo. Sinabi ng Presidente kamakalawa na ang vigilantism ay isang uri rin ng terorismo na dapat matigil. Nang magsalita si Mrs. Arroyo sa pagtatapos ng mga barangay watchers, ipinag-utos niya sa Department of Justice ang masusi at malalim na pag-iimbestiga sa karumal-dumal na pagpatay. Hindi aniya ito dapat ipagwalambahala.
Kung sinsero si Mrs. Arroyo sa kanyang pinag-uutos sa DOJ, dapat ay atasan din niyang magbitiw muna sa tungkulin ang kasangkot na colonel para mabigyan ng malayang pag-iimbestiga sa kaso. Hindi rin dapat military ang mag-iimbestiga rito upang hindi magkaroon ng white wash. Ang pamahalaan ang matatalsikan ng "putik" dito.