Nang matapos ang sayawan at nang papauwi na si Carlos, hinarang siya ni Joaquin at binato. Nang makita ni Carlos na may patalim si Joaquin, tumakbo na lamang ito subalit inabutan pa rin siya. Kaya, hinarap na lamang niya si Joaquin ngunit pinagsasaksak siya nito sa harapang bahagi ng katawan. Namatay agad si Carlos.
Si Joaquin ay kinasuhan at nahatulan ng murder dahil sa patraidor (treachery) na pagpatay kay Carlos. Umapila si Joaquin sa Korte Suprema at iginiit na dapat ay homicide lamang ang kanyang kaso dahil hindi naman patraidor ang kanyang pagpatay kay Carlos. Tama ba si Joaquin?
Tama. Sa patraidor na pagpatay upang maging murder, kinakailangang napatunayan na ang nahatulan ay sadyang gumamit ng pamamaraan ng pagpatay upang matiyak nito ang pagsasagawa ng krimen nang walang panganib sa kanyang sarili.
Sa kasong ito, hindi nagtraidor si Joaquin sa pagpatay kay Carlos. Ang pambabato niya ay naging babala pa nga kay Carlos na may pakay siyang masaktan pa ito. Nabigyan si Carlos ng pagkakataong maghanda at lumaban o kayay tumakbo na lamang.
Bukod dito, ang mga saksak na natamo ni Carlos ay sa harap at hindi sa likod. Hindi masasabing patraidor na pinatay ni Joaquin si Carlos kaya, si Joaquin ay nahatulan ng homicide at ng mas mababang parusa (People vs. Bernardo G.R. No. 97141-42, May 24, 1993).