Para sa mga sumusubaybay sa kaso ni REDANNY MONSERATE, nais naming ipaalam na tinatrabaho ito ng Imbestigasyon ng BAHALA SI TULFO. Nakakausap namin long distance sa Saudi si Redanny. Pinaplano ngayon ng BITAG Investigative Team sa TV na personal na makita ang kalagayan ni Redanny sa Saudi Arabia.
Gusto rin namang makita ng BITAG ang kakayanan ng ating embahada at ng OWWA sa Saudi sa problemang ito ni Redanny. Sinisiguro namin hindi lang ang kaso ni Redanny kundi pati na yung iba pang mga kaso mula mismo sa Saudi na dapat masilip at makalkal ng BITAG. Abangan...
Tungkol pa rin po doon sa problema ng isang overseas Filipino workers dito sa Saudi na nailathala ninyo nakalimutan ko lang pong sabihin na mas maganda po na kayo na lang ang gumawa ng aksiyon doon sa kababayan nating si Redanny Monserate. Huwag nyo ng asahan ang OWWA. Kayo na lang po ang sumangguni sa kanila tungkol sa problema ng ating kababayan tulad ng pobreng si Redanny. Marami pang katulad niya na higit pang problemang kinahaharap. Kailangan na kailangan nila ang tulong ng ating embahada, pero ang tanong saan ba sila sa oras na kailangan ang kanilang serbisyo? Usad pagong kung kumilos. Baka matapos ang kontrata ng ating mga pobreng kababayan pero di pa rin nakukuha nila ang hustisya na sanay nakamit na nila kung kikilos lang agad ang ating embahada.
Mr. Ben Tulfo sana marami pa kayong matulungan na ating mga kababayan dito. Please lang huwag nyo ng asahan ang OWWA hindi sa hinusgahan ko sila. Wala naman talaga mangyayari.
Sabi ko nga po sa unang sulat ko, nagbibingi-bingihan sila sa mga problema ng ating mga kababayan dito. Nakakaawa kung iisipin, naturingan mayroon tayong OWWA pero saan sila? Umaasa kami sa taong katulad mo at iba pang mga kasamahan mo sa media na nagmamalasakit sa amin. Nasasabi ko lang po ito dahil naranasan ko na rin ang makiusap sa kanila dito sa Al-Khobar. Kaya nasasabi ko ang mga naranasan ko sa kanila na walang nangyari natapos ang kontrata walang kaming nakuhang tulong sa kanila. At sa awa naman po ng Diyos kahit di nila kami natulungan gumanda naman ang lagay namin dito sa ngayon.
Kailan kaya sila magigising sa mahimbing nilang pagkakatulog. Kaya nga po never na kaming humingi ng tulong sa kanila ginagawa na lang namin ang abot ng aming makakaya dito sa Saudi Arabia. Ang gusto ko lang po sana matulungan naman natin ang iba nating mga kababayan na kailangan na kailangan lang na ipaabot sa ating pamahalaan ang malaking problema namin dito sa gitnang silangan. Please lang po kayo na po ang gumawa ng aksiyon sa problema ni Redanny. Kung iaasa na lang po namin sa embahada o OWWA natin ang mga karaingan namin dito sa Saudi Arabia baka abutin po ng taon bago nila maaksiyunan ang mga problema dito. Maraming-maraming salamat po at more power sa kolum ninyo sa diyaryong Pilipino Star Ngayon. Naway bigyan pa kayo ng lakas ng ating Panginoon na matulungan ang ating mga kababayan dito sa gitnang silangan o hindi lang dito sa buong mundo kung saan may mga Pilipinong manggagawa.
Kayo ang isa sa mga tumutulong sa aming mga karaingan at sana po huwag kayong magsasawang tumulong.
Kung maari po sana itago na lang ninyo ako sa pangalang Dhahran.