Maynilad isoli rin ang sobrang singil

AYAN, final na ang pasya ng Korte Suprema na isoli ng Meralco ang P28-bilyon sobrang singil sa customers nu’ng 1994-1998. Pag-uusapan na lang kung pano ang refund: cash o stock dividends.

E pano naman ang sobrang singil ng Maynilad Water Services Inc. sa pitong-milyong customers ng Metro Manila west zone? Sa kuwenta ng MWSS, P5.3 bilyon na rin ang nakukupit ng Maynilad. Pero hindi ito pinahihinto. Buti pa sa kasong-Meralco, may civic groups na naghabla. Sa Maynilad, walang nagkakaso ng qualified theft.

In-expose ko nu’ng April 1 ang unauthorized billings ng Maynilad. May P4.21 per cubic meter na accelerated extraordinary price adjustment (AEPA) at P4.07 per cu.m. na foreign currency differential adjustment (FCDA). Kabuuang P8.28 per cu.m. ang overbillings; mahigit kalahati ng P15.46 per cu.m. na karaniwang singil sa residential customers.

Pinayagan lang ng MWSS maningil ang Maynilad ng AEPA nu’ng Jan. 1-Dec. 31, 2002 para mabawi ang mga lugi nu’ng 1998-2000. Pero ngayong 2003, naniningil pa rin: P326 milyon na ang kinakabig.

Pinayagan din ng MWSS maningil ang Maynilad ng FCDA simula October 2001 sa kundisyong magre-remit ito ng buwanang P220-milyong concession fee. Kailangan ng MWSS ng pera pambayad sa mga utang nito bago i-privatize ang water distribution nu’ng 1997. Dahil tumigil mag-remit ng concession fees ang Maynilad nu’ng March 2001, hindi na dapat ito maningil ng FCDA. Pero P5.2 bilyon na ang ibinulsa.

Katuwiran ng Maynilad, hindi na dapat usisain ang singilin nito dahil under arbitration ang concession agreement. Sinuko nito ang west zone nu’ng Dec. 9, 2002, at nag-utos daw ng status quo ang arbitration panel ng International Chamber of Commerce.

Pero walang kinalaman ang arbitration sa unauthorized billings. Ang usapin doon ay kung sino ang may kasalanan sa lugi ng Maynilad – kapabayaan ng management nila o ng MWSS. Ibang usapin ang sobrang singil sa pangit namang serbisyo.

Show comments