Pero marami umanong isyung dapat liwanagin si Atorni. Kundi maipapaliwanag ang mga isyung ito na may kinalaman sa conflict of interest, malamang bumitaw ang mga NGOs at EDSA forces na sumusuporta sa kanyang 2004 presidential bid, anang isang kakilala ko sa partidong Lakas. Dahil diyay baka ilaglag siya ng LAKAS kahit mataas ang rating niya. Pakilinaw daw, Atty. Roco ang iyong papel sa coco levy, ang iyong suporta sa oil deregulation na nagpalakas sa tatlong dambuhalang cartel ng petrolyo at ang pag-aktong abogado sa Banko Sentral ng Pilipinas at sa mga banko o grupong pinansyal na maraming demand sa BSP.
Noong nasa ACCRA Law Office pa si Roco, nagtayo siya ng mga holding companies. Isa sa mga kompanyang ito ang Rock Steel Resources (RSR) na inisyal din ni Atty. Roco. Nang Senador pa siya noong 1997, nangunguna siyang bumoto para maipasa ang naunang oil deregulation law na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema. Ang ikalawang oil deregulation law na siyang napagtibay sa tulong din ni Roco ang siya ngayong ipinatutupad at nagpaparusa sa ating mga kababayan. Ang Pilipinas Shell ay isa diumano sa mga kliyente ng law firm ni Roco. Isang nakababatang utol ni Roco na nagngangalang Ding ay dating mataas na opisyal ng Shell.
At bakit naging tagapayo ang law firm ni Roco sa BSP gayung abogado siya ng mga pribadong banko? Si Roco noon ay chairman ng committee on banks, financial institutions and currencies. Hawak din ni Roco ang mga sumusunod: Filinvest Group na siyang may-ari ng East-West Bank, ang Phinma Group na may ari ng isang Financial Management, AB Capital na may kontrol sa Asian Bank at Philam Group, ang local affiliate ng AIG Financial Group ng Amerika. Ayon pa sa website ng law firm ni Roco, hawak nito ang mga foreign banks na pumasok sa Pilipinas matapos ipatupad ang banking liberalization sa pamamagitan ng RA 7721 na siya rin ang may akda. Paki-klaro nga po.