Si Romel ang itinuturo ng humihingi ng saklolong OFW na si Redanny Monserate sa pagkakawala ng mga piyesang nagkakahalagang 6,000 Riyals.
Tapos na ang kontrata ni Redanny ngunit hindi siya puwedeng makauwi dahil pinababayaran sa kanya ng, Arabong amo ang mga nawalang piyesa.
Sumulat po ako sa inyo para sagutin ang lahat ng paratang sa akin ni MR. REDANNY MONSERATE.
Una po sa lahat, gusto kong malaman po ninyo na bago ako umuwi dito sa Pilipinas, nag-imbentaryo nga po kami at ang resulta ng inventory ay nag-tally po dahil pinabayad din po nila sa akin yung mga shortages bago nila ako pinauwi at alam po ni Redanny yun.
Bago po niya ako pinalitan, siya (Redanny) po ang nag-adjust ng mga stocks sa computer after inventory. Yun pong sinasabi niyang hiniram ko ang susi ng stockroom after inventory ay malaki pong kasinungalingan.
Umpisa pa lang po ng imbentaryo ay ipinabibigay na ng amo namin ang susi sa kanya bilang papalit para humawak ng stockroom. At doon po sa kanyang alegasyon na ibinulsa ko yung mga nawawalang spare parts ay napakaimposible.
Dahil lahat po ng mga pumapasok at lumalabas papunta sa stockroom ay dumadaan mismo doon sa harapan ng counter kung saan nasa station si Redanny.
Sa totoo lang po, pagkatapos ng imbentaryo ay nanatili na lang po ako sa counter habang hinihintay ko ang schedule ng aking pag-uwi sa Pilipinas. At tuluyan nang naiturn-over ang custody ng stockroom sa kanya. At siya lang ang may hawak ng susi bukod sa amo namin.
Para po sa inyong kaalaman, nung iturn-over po sa akin ang stockroom, nagkaroon na rin po ng parehong karanasan ang mga naunang humawak ng stockroom at nagkaroon din po sila ng mga shortage, kung saan ni-require rin po silang magbayad bago sila nirelease ng kumpanya.
Ganoon din po ang sitwasyon na nangyari sa akin. Anuman ang mga shortage noong nag-imbentaryo ako ay ipinabayad sa akin bago ako pinauwi. Pero hindi po ako nandamay o nagbintang sa pinalitan kong storekeeper.
Itoy sa kadahilanang responsibilidad ko na po yun dahil balanse naman po ang imbentaryo nang ITURN-OVER sa akin ang stockroom.
Umuwi po ako dito sa Pilipinas noong June, 2002. Ngayon gustong palabasin ni Redanny na lahat ng nawawala niyang spare parts after six(6) months ay nasa akin. Parang hindi naman po yata makatarungan yon.
Tungkol naman po sa amo namin na sinasabi ni Redanny na para sa pagkain lang ang binibigay sa kanya, ako po ay di naniniwala doon dahil kahit may pagkabalasubas ang amo namin, ay may puso rin po siya.
Nagpapasalamat po ako sa kolum ninyo at nabigyan ako ng pagkakataon para marinig ang panig ko at malinis ang aking pangalan.
Inaasahan ko po na makakamtan ko ang hustisya na itinatadhana ng ating Saligang Batas para sa aking panig na marinig at inyong mailathala ang kasagutang ito sa mga nabanggit niyong akusasyon upang lubos at maunawaan ng mga libu-libong ninyong mga tagasubaybay para sa kani-kanilang sariling pang-unawa tungkol sa isyung ito
Nangangako po ang inyong lingkod na lahat ng mga nabanggit na kasagutan at paliwanag tungkol sa mga akusasyon ay pawang katotohanan lamang. Kung inyo pong mamarapatin, bilang pagpapatunay, nakahanda po akong humarap ng personal sa inyo para sa lalo pang ikaliliwanag ng isyung ito.
Maraming salamat po.
Lubos na gumagalang
Romel Gamad