Alas tres na ng madaling-araw nang binabagtas na ni Gerry ang kanang linya kung saan din tumatakbo ang mga police trainees, nang biglang magpailaw ang sasakyan sa kabilang linya. Nasulo si Gerry kaya binigyan niya ito ng senyales na hinaan nito ang ilaw subalit hindi siya pinansin. Napilitan siyang bawasan ang takbo ng kanyang truck mula 80 sa 60 kph. Subalit bigla niyang narinig ang mga kalabog sa kanyang sasakyan. At dahil madilim at takot sa nangyari umuwi na lamang si Gerry.
Nakita niya na nasira ang kanyang sasakyan. Nalaman din niya na nabangga niya ang mga police trainees. Hindi niya kasi nakita ng mga kaway ng kamay ng dalawang security guards kaya sunud-sunod niya itong nabangga. Labindalawa ang namatay, 11 ang malubhang nasugatan at 10 rin ang nagtamo ng sugat.
Nahatulan ng mababang hukuman si Gerry at nasentensiyahan ng kamatayan. Ayon sa Korte, napatunayang may intensyon si Gerry na tamaan ang mga police trainees dahil sa halip na tapakan nito ang brake ng kanyang truck nang una nitong marinig ang kalabog, nagpatuloy pa itong magmaneho. At dahil madilim ang lugar at nakainom pa si Gerry ng alak, may motibo raw itong takutin ang mga tumatakbo. Tama ba ang Korte?
MALI. Ang Korte dapat ay nagkaroon ng maingat na pagsaalang-alang ng mga ebidensya kung ang parusa nito ay kamatayan. Kung gustong takutin ni Gerry ang mga tumatakbo, wala itong kriminal na intensyong pumatay kaya aksidente ang nangyari. Madilim din ang daan at itim ang mga kasuutan ng mga police trainees. Hindi rin napatunayan na ang pagpatay sa mga pulis ay may pulitikang dahilan. At kung may ebidensya man, hindi dapat mahatulan si Gerry sa kasong murder kundi dapat ay sa kasong rebelyon.
Dapat sana ay tinapakan ni Gerry ang brake ng sasakyan o kumaliwa sa kabilang linya nang marinig niya ang unang kalabog. Dapat din sana ay naging maingat ito sa pagmamaneho dahil madulas ang daan. At dahil napatunayang wala siyang pag-iingat, nahatulan siya sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide with serious and less serious physical injuries.
Ang kanyang sentensiya ay dapat na apat na taon hanggang 10 taong pagkakakulong; 10 bilang ng slight physical injuries na may dalawang buwang pagkakakulong bawat bilang nito at P50,000 bayad sa mga namatay (Pp. Vs. de los Santos 355 SCRA 415).