Sa pag-uusisa ko kung bakit mahina pero mas mahal ang tubig sa zone ng Maynilad, binunyag sa akin ng opisyales sa MWSS na dinadaya tayo ng private company. Sinisingil tayo ng P4.21 per cubic meter bilang accelerated extraordinary price adjustment (AEPA) at bukod pang P4.07 bilang foreign currency differential adjustment (FCDA). Kabuuang P8.28 per cu.m na overprice, o P248.40 sa buwanang konsumo na 30 cu.m ng karaniwang pamilya.
Sabi ni MWSS chief regulator Ed Santos, pinayagan lang maningil ang Maynilad ng AEPA mula Jan. 1-Dec. 31, 2002, para pambawi sa mga lugi nito nung 1998-2000. Pero mula Jan-Mar. 2003, kinabigan tayo ng Maynilad ng kabuuang P326 milyon.
Pinayagan ding maningil ang Maynilad ng FCDA sa kondisyong hindi ito mimintis ng bayad sa MWSS ng P220-milyon monthly concession fee. Pero dahil nalulugi raw, tinigil ng Maynilad ang pagbigay ng concession fee noon pang March 2001. Mula noon, P5.3 bilyon na ang kinalawit ng Maynilad sa atin.
Sinulatan ni Santos si Maynilad president Rafael Alunan nung Mar. 3 para ipatigil ang unauthorized charges. Hindi puwede, sagot ni Alunan makalipas ang isang linggo. Lalo raw silang malulugi.
Abay krimen itong asal ng Maynilad. Pinaiimbestiga ito nina Reps. Maite Defensor (Quezon City), Del de Guzman (Marikina), Etta Rosales at Mario Aguja (Akbayan), Kim Lokin at Joel Villanueva (Cibac) sa Congress committee on economic affairs. Pero dapat ay ihabla ito ng estafa o fraud. Tulad ng Meralco na kontrolado rin ng Lopezes, dapat ding ipatigil sa Korte ang illegal charges, at ipasoli sa atin ang P5.52 bilyon na kinulimbat. May abogado ba sa ating pitong milyong customers?