Sa kabila na marami na ang nababahala sa pagkalat ng sakit at kailangan na ang pag-iingat, kakatwa naman na tutol si House Speaker Jose de Venecia, sa balak ng Department of Health (DOH) na i-quarantine ang mga nag-travel galing sa Hong Kong lalo na ang galing sa Shanghai, China. Malaking kalokohan ayon kay De Venecia ang balak ng DOH na pitong araw na manatili sa kanilang tahanan ang mga nanggaling sa China, Vietnam, Hong Kong, Singapore at Canada para hindi kumalat ang sakit. Sinabi ni De Venecia na ang ilang minutong check-up ng health authorities ay sapat na. Hindi raw dapat maging alarmist. Sinabi pa ni De Venecia na kapag ipinatupad ang kautusan ng DOH, libu-libong foreigners mula sa mga nabanggit na bansa ang sasailalim sa confinement. Idinagdag pa ng Speaker na ang pamahalaan ay walang kakayahan para ipatupad ang nasabing kautusan. Si De Venecia na kasama ang may 10 mambabatas at iba pang Phililippine officials ay nasa Shanghai para sa inagurasyon ng una at pinakamalaking trade fair doon.
Bakit hindi muna sumunod saka umangal? Ang kautusan ng DOH ay para sa ikabubuti at hindi para sa ikasasama. Kung ang DOH ay magpapatulug-tulog sa ganitong sitwasyon na parami nang parami na ang nabibiktima ng killer pneumonia, baka sila ang sisihin ng mga kapita-pitagang mambabatas. Sa ganitong katinding sitwasyon na ang buhay ng mamamayang Pilipino ang nakasalalay, dapat magpakita ng pagmamalasakit ang mga mambabatas at sila ang unang dapat sumunod sa kautusan at hindi dapat sumuway. Hindi masasabing kalokohan ang layunin ng DOH.