Tanghaling pagpasok sa trabaho

KASO ito nina Ludy, Betty, Pat, Lani at Mando, mga empleyado ng Korte. Noong isang taon, 10 beses pumasok ng tanghali si Ludy noong Marso at 11 beses noong Mayo. Ayon sa kanya, nahuhuli siyang pumasok dahil inaalagaan niya ang kanyang 92 taon at bulag na ina. Si Betty naman ay 10 beses na tanghaling pumasok noong Pebrero, 14 noong Abril, 20 noong Mayo, at 12 noong Hunyo. Si Betty kasi ay nag-iisang nagtataguyod ng limang anak kaya bago pumasok sa trabaho, kailangan pa niya itong paliguan, pakainin at iwan sa kapitbahay. Si Mando naman ay tanghali na ring pumasok ng 11 beses sa mga buwan ng Pebrero at Marso samantalang 10 naman noong Abril sa dahilang hindi niya maiwan ang matandang ina hanggat wala ang kapatid upang humalili sa kanya. Si Pat naman ay 10 beses noong Abril at 12 beses noong Mayo dahil nag-iisa ring siyang nagtataguyod sa mga anak, subalit lampas alas singko naman siya kung umalis ng opisina para raw makabawi.Dahilan naman ni Lani ang pagbubuntis kaya tanghali siyang nakapasok sa buwan ng Pebrero, 13 beses; Abril, 11, at Hunyo, 10.

Iminungkahi ng kanilang superyor ang mga sumusunod na parusa: Dalawang buwang suspensyon para kay Ludy; mahigpit namang pangaral kina Betty at Mando at mahigpit na babala naman para kina Lani at Pat dahil sa una nilang paglabag. Umapila sila sa kaluwagan at makataong dahilan. Mapapatawad ba sila?

HINDI.
Ayon sa batas, ang isang empleyado ay masasabing palaging huli kung siya ay pumasok ng 10 beses sa isang buwan o sa dalawang buwan sa loob ng isang semestre o sa magkasunod na buwan sa isang taon. Ang parusa sa palaging pagpasok ng huli ay: Mahigpit na pangaral sa unang paglabag, suspensyon ng isa hanggang 30 araw sa ikalawang paglabag, at pagtanggal sa trabaho sa ikatlong pagkakataon (Civil Service Commission Circular No. 43 series of 1991 and No. 19 series of 1999).

Ang mga empleyado sa kasong ito ay palaging huli sa kanilang pagpasok. Ang mga obligasyong moral, mga gawain sa bahay, at makataong konsiderasyon ay hindi sapat na dahilan para pumasok ng huli sa trabaho. Ang palaging pagpasok ng huli ay makakapinsala sa kanilang serbisyo sa publiko dahil hindi nila nagagampanan ang pamantayang ibinigay ng Korte. (In re Habitual Tardiness First Semester 2002 A.M. No. 2002-15-SC, November 15, 2002).

Show comments