^

PSN Opinyon

Editoryal – Kailan bubuti ang serbisyo ng Maynilad?

-
HINDI iilang beses nang may nagpadala ng letter sa Dear Editor column ng diyaryong ito at inirereklamo ang hindi magandang serbisyo ng Maynilad Water Services, Inc. (MWSI). Bukod sa sulat na natatanggap, may mga nag-e-email din at inirereklamo ang serbisyo ng Maynilad. Mahina ang tulo sa kanilang gripo at kung minsa’y wala pa, ayon sa kanilang reklamo.

Wala naman kaming maisagot, sapagkat hindi kami ang responsable rito kundi ang Maynilad. Sa dami ng mga nagrereklamo, wala namang marinig na paliwanag sa Maynilad. Hindi namin alam kung nagbibingi-bingihan sila o sadyang hindi nila alam na inirereklamo sila.

Mas matindi na sa kahinaan ng kanilang serbisyo, may pagtataas pang gagawin sa singil ang Maynilad. Panibagong pasanin na naman sa mga consumers na hindi na nakaahon sa mga bayarin. Sa mga may masaganang tubig na lumalabas sa kanilang gripo, wala siguro silang mairereklamo kahit na magtaas pa ang singil pero doon sa iba na pawang "hangin" ang lumalabas sa kanilang gripo, ang paniningil ay isa nang pagsasamantala.

Ilang buwan na ang nakararaan, nagbanta ang Maynilad na bibitawan na nila ang pagseserbisyo sa mga nasasakupan nila sa west zone. Hindi na nila kayang magserbisyo sapagkat nalulugi na sila. Ibabalik na lang daw nilang muli ito sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS). Ang Maynilad at ang isa pang concessionaire, ang Manila Water Co. ay nagserbisyo mula noong 1998. Marami ang natuwa nang pumasok ang dalawa sapagkat inaasahan nilang magiging masagana ang daloy ng tubig sa kanilang mga gripo. Ngayon, isang malaking bangungot ang nangyari. Mumunting patak at maraming "hangin" ang lumalabas sa kanilang gripo.

Walang nangyari sa banta ng Maynilad na pagbitaw bilang concessionaire. Nawalang parang bula. Natahimik ang kalooban, at isang malaking palaisipan.

Habang walang pumapatak na tubig sa mga gripo, masagana namang umaagos sa kalsada ang tubig mula sa mga sirang tubo. Sinisira ng tubig mula sa sirang tubo ang kalsada at walang patid ang pag-agos patungo sa kung saan. Hindi ba nakikita ng Maynilad ang problemang ito na maaaring dahilan kung bakit walang lumalabas na tubig sa mga gripo? Hindi na dapat pang isa-isahin ang mga lugar na maraming sirang tubo, sapat nang sabihin na marami. Mula pa noong 1998, marami nang nawasak at karamihan sa mga ito ay hindi pa naisasaayos. Ito marahil ang dahilan kaya sila nalulugi. Hindi makatwiran, na sa consumers nila ito bawiin. Kailan gaganda ang inyong serbisyo?

ANG MAYNILAD

DEAR EDITOR

GRIPO

KANILANG

MANILA WATER CO

MAYNILAD

MAYNILAD WATER SERVICES

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with