Walang kapatawarang kasalanan

ANG kasalanan ng isang tao ay mapapatawad ng Diyos, kung tunay niyang pinagsisisihan ang mga ito. Subalit sa Ebanghelyo ni Mateo para sa araw na ito, may isang kasalanan na hindi kailanman maaaring mapatawad (Mt. 12:28-32).

"‘Kung ang Espiritu ng Diyos ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.

"‘Paanong mapapasok ang bahay ng isang malakas na tao kung hindi siya gagapusin? Kung gapos na, saka lamang malolooban ang bahay niya.

"‘Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon ay nagkakalat. Kaya sinasabi ko sa inyo: Ipatatawad sa mga tao ang anumang kasalanan at panlalait, ngunit hindi ipatatawad ang anumang panlalait sa Espiritu Santo. Sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o magpakailanman.’"


Ang paglapastangan sa Espiritu ay isinasalarawan na walang kapatawaran. Ang kalapastanganan ay binubuo ng pag-uugnay sa demonyo ng mga inspirasyon nagmula sa Espiritu Santo. Sa konkreto, ito’y nangangahulugan na ang tao ay hindi nagsisisi sa maling kanyang ginawa.

Nais ng Diyos na mapatawad ang kasalanan ng tao. Kung kaya’t isinugo niya ang kanyang Anak na namatay sa krus upang matamo ang kapatawaran.Subalit sa ganang bahagi natin, dapat nating aminin na tayo’y nagkasala, at tayo’y determinadong huwag nang magkasala muli.

Ang mga pag-iisip na ito ay nakalulugod para sa atin na dumadaan ngayon sa Kuwaresma at nagninilay-nilay sa pasyon ni Jesus at sa kanyang pagmamahal sa atin. Minamahal ka ng Diyos Ama. Naghihintay siya sa iyo na bumalik sa kanya. Nais ka niyang yakapin.

Show comments