Saklolong hinihingi ng isang OFW mula sa Saudi

BINIBIGYAN namin ng daan ang liham na ito. Isang uri ng pagdurusa na hindi naman kagagawan ng pobreng biktima, base sa kaniyang liham na mababasa ninyo ngayon.

Umaasa kaming mababasa niya ang liham na kanyang ipinadala sa amin. Kasalukuyang pinag-aaralan na ngayon ng aming investigative team ang uri ng aksiyon na aming gagawin.

Pormal na naming tinatanggap ang reklamong ito at makaaasa kayo sa mga susunod na aksiyon na aming gagawin sa kolum na ito.

Narito ang kanyang liham.
* * *
Dear Mr. Ben Tulfo,

Ako ay si Redanny Monserate, isang OFW dito sa Saudi Arabia. Lumiham po ako sa inyo dahil nalaman ko po sa
Pilipino Star NGAYON, na abot dito sa Saudi. Marami kayong natutulungan sa inyong kolum na "Bahala Si Tulfo".

Ang irereklamo ko po sana sa inyo ay si Romel Gamad na taga Floridablanca, Pampanga. Dati ko po siyang kasamahan sa trabaho.

Ang problema ko po ay nagsimula nung ako na ang pumalit sa kanya sa Sales Department. Isa po siyang dating salesman. Isang linggo bago siya umuwi sa Pilipinas, tinuruan niya ako sa mga spare parts ng mga washing machine.

Noong nag-imbentaryo, balanse po ang mga stock. Pagkatapos, hiniram niya sandali ang susi ng stock room. Kami pong mga salesman ay may mga hawak na susi ng stockroom.

Malaki po ang aking paniwala na may kinuha siyang mga spare na mamahalin. Maliliit lamang ang size ng mga ito kaya’t maaaring maitago sa bulsa ng kaniyang pantalon.

Nitong nakaraang Disyembre ay nag-imbentaryo ako. Kinapos po ako ng mahigit na 6,000 Riyals, na umabot po sa mahigit na P100,000.

Nalaman ko po na kinuha niya ang mga nawawalang spare parts dahil may nagsabi sa akin na yung spare ay itinago niya sa isang kuwarto ng kaibigan ko bago niya ito ibinenta.

Naikuwento niya na ‘yung mga nawalang spare parts ay ‘yung nakitang kinuha ni Romel. May return ticket at visa po si Romel pero hindi na po bumalik dito sa Saudi.

Tapos na po ang aking kontrata ngayong Enero 8, 2003. Pero di po ako makauwi dahil kailangan daw na bayaran ko muna ang lahat ng nawalang spare parts, sabi ng amo ko.

Tatlong buwan na po akong hindi makapagpadala sa pamilya ko. May isang anak po ako na magdadalawang taon pa lamang. Sana po kahit sa pamamagitan lamang ng inyong kolum ay matulungan ninyo ako.

Mabasa man lang sana ni Romel ang sinapit kong ito. Di ko po alam ang aking gagawin kasi sapat lang sa pagkain ko ang ibinibigay ng amo ko.

Naaawa po ang pamilya ko. Hindi bale kung ako lang ang nahihirapan. Isang taon ko pang bubunuin ang shortage na ito na hindi ko naman kagagawan.

Sana po ay mapagpayuhan ninyo ako. Maraming salamat po and more power to your column and your TV program sa ABC 5. Paborito pong panoorin ng pamilya ko sa Pandacan. Mabuhay po kayo. God bless you!!

Lubos na gumagalang,

Redanny Monserate

Dammam, Saudi Arabia

Show comments