PR ni Payumo nagpaliwanag

DAHIL patas ang mga kuwago ng ORA MISMO sa mga isinusulat na balita, bibigyan ko ng espasyo ang panig ni Reynaldo M. Garcia, Department Manager ng SBMA Media Relations Office. Nagpadala ito ng sulat sa ating tanggapan kahapon hinggil sa isyu ng corruption sa SBMA.

March 25, 2003
G. Butch M. Quejada
Kolumnista

Pilipino Star NGAYON

Ginoong Quejada:


Pagbati ng Kapayapaan. Ito ay paglilinaw sa mga akusasyon ng isang Jimmy Morales, Sr., na nalathala sa pitak ninyong ORA MISMO, na may pamagat na ‘‘Corruption sa SBMA, matindi?’’ noong Marso 22 sa kadahilanang walang basehan ang mga ito.

Una, malinaw na ang layunin lamang ni Morales ay wasakin ang magadang imahen ng SBMA na patuloy ang pag-aakit ng mga dayuhang mamumuhunan at paglilikha ng hanapbuhay sa ating mga kababayan.

Binanggit ni Ginoong Morales sa kanyang reklamo kay Chairman Dario Rama ng Presidential Anti-Graft Commission na nawala na parang bula ang isang gusali sa loob ng Subic Freeport.

Wala pong katotohanan ang paratang na ito. Ang naturang donasyon ng gusali ay inaprubahan ng SBMA Board of Directors bago pa ito ibinigay sa pamahalaang lokal ng Hermosa, Bataan at higit sa lahat hindi po si SBMA Chairman Felicito Payumo ang nagkaloob nito, sa halip ay ang naturang Board.

Ikalawa, hindi po pamangkin ni Chairman Payumo ang isang nagngangalang Jun Payumo, na kilalang scrap-dealer sa Olongapo City. Si Jun Payumo ay tubong-Tarlac habang si Chairman Payumo ay taga-Bataan.

Nabanggit din po ang pangalang Pat Escusa na umano ay nakipag-usap kay Jun Payumo upang makuha ang lahat ng gusto nitong scrap. Pawang mga sapantaha at imahinasyon lamang ni Morales ito sapagkat dumadaan sa masusing proseso ang pagkakaloob ng donasyon sa mga humihiling nito mula sa mga karatig-bayan.

Sa katunayan din, ang SBMA ay nakapagkaloob ng mga itinuturing na ‘‘unserviceable and disposable assests’’ sa mga bayan ng Castillejos at Subic sa lalawigan ng Zambales, sa Dinalupihan, Bataan pati na rin sa PNP-SAF sa Morong at sa Bataan State College.

Ang bawat kahilingang donasyon ay may kalakip na resolusyon mula sa Barangay o Munisipyo na inihahain sa SBMA Board bilang pagtulong sa mga kumunidad sa paligid ng Subic Freeport.

Sana po ay mapagbigyan ninyong mailathala rin ang aming panig upang malinawan ng mga tagasubaybay ng inyong pahayagan ang ukol sa mga maling paratang na ito.

Sumasainyo,
Reynaldo M. Garcia,
Department Head,
SBMA Media Relations Office

Show comments