Walang lisensiya ng kasal

SI Pablo at Dulce ay nagpakasal noong Setyembre 26, 1974 at nagkaroon ng limang anak. Makalipas ang anim na taon, iniwan ni Pablo ang kanyang pamilya at sumama kay Amor. Dahil dito, nagulo ang pamilya at naging madalas ang away ng mag-asawa hanggang binaril ni Pablo si Dulce.

Makalipas ang isang taon at walong buwan, habang dinidinig ang kasong kriminal laban kay Pablo, nagpakasal sila ni Amor noong Disyembre 11, 1986 ngunit walang lisensya ng kasal. Sa halip nito, sumumpa sila sa isang salaysay na nagsasama sila bilang mag-asawa ng mga limang taon na kaya hindi na nila kailangan pa na kumuha ng lisensya ng kasal ayon sa lumang Kodigo Sibil. Tinanggap ito ng mga anak ni Pablo dahil sa kakulangan sa kaalaman at dahil mga menor de edad ang mga ito.Makalipas ang labing-isang taon, namatay si Pablo sa isang aksidente.

Sa paniniwalang ang pagpapakasal ng kanyang ama kay Amor ay makakaapekto ng malaki sa kanilang mana, nagsampa ng petisyon si Nina, panganay na anak ni Pablo, na tumatayong tagapag-alaga ng kanyang mga kapatid, upang ipawalang-bisa ang kasal ng kanyang ama kay Amor dahil wala itong lisensya. Iginiit naman ni Amor na ang kasal nila ni Pablo ay may bisa dahil nagsasama na sila ng mga limang taon kaya hindi na kailangan pa ang lisensya. Tama ba si Amor?

Mali.
Ang limang taong pagsasama bilang mag-asawa ay tumutukoy lamang sa pagsasama ng mga partido na may kapasidad magpakasal. Ang pagsasama ayon sa batas ay dapat na eksklusibo – walang ibang partido sa loob ng limang taon at tuluy-tuloy ang pagsasamang immoral ay hindi maaring magbigay ng karapatang magpakasal ng walang lisensya.

Sa kasong ito, ang pagsasama nina Pablo at Amor ay nagsimula noong kasal pa si Pablo kay Dulce. Hindi sapat na dahilan ang paghihiwalay ng mga legal na mag-asawa para magkaroon lamang ng pagkakataon na makisama sa iba. (Ninal vs. Bayadog 328 SCRA 126).

Kaya nga sa Family Code, maaring magpakasal ng walang lisensya kung ang lalaki at babae ay nagsasama na ng limang taon bilang mag-asawa na walang legal na hadlang na magpakasal.

Show comments