Makalipas ang 10 taon, inaprubahan ng Korte ang petisyon subalit sinalungat ito ni Doña Juana sa dahilang hindi raw ito ilalaan sa publiko kundi sa isang pampribadong kompanya lamang. Isinaalang-alang ng Korte ang mosyon ni Doña Juana. Ang Lot 1406-A ay hindi isinama sa expropriation samantalang ang Lot 1406-B ay ipinagkaloob sa PEPZ para magamit nito sa pagpapagawa ng banko at ng mga kagamitan sa transportasyon para sa mga empleyado ng PEPZ. At dahil hindi isinama ang Lot 1406-A, umapila ang PEPZ sa CA.
Habang dinidinig ang apila, nagkaroon ng Kasunduan ang PEPZ at si Doña Juana. Ayon sa kasunduan, iuurong na ng PEPZ ang apila nito para bawiin naman ni Doña Juana ang hinihiling nitong bayad-pinsala laban sa PEPZ. Dagdag pa rito, pumayag din si Doña Juana na ibigay sa PEPZ ang Lot 1406-B na 13,118 square meters kapalit ng Lot 434 na 14,167 square meters na ipagkakaloob ng PEPZ sa kanya bilang kabayaran o ang tinatawag na just compensation. Inaprubahan ng Korte ang Kasunduan kung saan ang Lot 1406-B ay expropriated base sa utos nito noong 1991 samantalang ang Lot 434 naman ang magiging bayad kay Doña Juana.
Subalit hindi tumupad ang PEPZ na ilipat ang Lot 434 sa pangalan ni Doña Juana dahil wala pala itong titulo. Nagsampa ng mosyon si Doña Juana, kaya ipinawalang-bisa ng Korte ang Kasunduan. Iniutos din nitong ibalik ang Lot 1406-B kay Doña Juana. Umapila muli sa CA ang PEPZ ngunit inaprubahan nito ang pagpapawalang-bisa sa Kasunduan. At sa halip na ibalik muli ang Lot 1406-B kay Doña Juana, iniutos nito sa mababang hukuman ang pagpapasya sa nararapat na bayad kay Doña Juana. Kinuwestyun ni Doña Juana ang desisyon pati na ang pampribadong layunin ng PEPZ. Tama pa bang sumalungat si Doña Juana?
Hindi. Ang expropriation proceedings ay may dalawang parte: 1) ang expropriation order at 2) ang pagpapasya sa just compensation. Sa kasong ito, ang unang parte ay nagkaroon na ng pinal na desisyon noong 1991 at ang mga partido ay nagkaroon na rin ng isang Kasunduan kaya, ang expropriation order ay hindi na mapapawalang-bisa. Ang pag-aayon ng expropriation order at ng kanilang kasunduan ay isang pag-aamin ni Doña Juana sa awtoridad ng PEPZ na gamitin ang kanyang lote sa pampublikong layunin. Ang kanilang kasunduan ay limitado lamang sa pagpapasya ng magiging bayad kay Doña Juana. Nang hindi tumupad ang PEPZ sa obligasyon nito na ilipat ang Lot 434, hindi nawalan ng bisa ang karapatan nitong magamit ang Lot 1406-B. Nagbigay lamang ito ng karapatan kay Doña Juana na hingin ang nararapat na kabayaran sa kanya at hindi bawiin pa ang kanyang lote.
Ang paggamit ng PEPZ sa lote ni Doña Juana ay hindi pampribado kundi nakalaan sa isang pampublikong layunin. Ang lote 1406-B ay nakalaan sa mabilis na pagtugon sa publiko ukol sa transaksyon sa banko at transportasyon kaya ang pagkuha ng PEPZ ay may pampublikong gamit. (Estate of Jimenez vs. PEPZ G.R. No. 137285 January 16, 2001).