No Return, No Exchange

Nagmamadali akong umuwi ng bahay upang maisukat ng anak kong si Jairo ang sapatos na binili ko para sa kanya sa isang department store. May kamahalan ang sapatos pero mukha namang matibay kaya binili ko na rin.

Subalit hindi maipasok ng husto ni Jairo ang paa niya dahil maliit pala ang sapatos na aking nabili.

Sinabi ko sa anak ko na papalitan ko na lang kinabukasan ang sapatos niya. Ganun nga ang aking ginawa. Paglabas ko ng opisina, dumiretso ako sa department store upang papalitan ang sapatos. Ngunit sinabi sa akin ng saleslady na may "no return, no exchange" policy daw sila kaya di ko na maaring papalitan ang sapatos.

Kinausap ko ang manager para kwestyunin ang policy nilang ‘yun na alam kong mali. Ngunit walang magawa ang manager dahil di naman daw siya ang gumagawa ng policies sa tindahan nila.

Makatwiran ba ang "no return, no exchange" policy nila? – Rowena Martinez ng Pasig


Hindi makatwiran. Sa katunayan, ang policy na "no return, no exchange" ay taliwas sa sinasaad ng batas, particular na sa Consumer Act of the Philippines (R.A. 7394). Maaring hingin ng isang mamimili sa nagbibili ang alin man sa mga sumusunod: a) ipagpalit ang nabiling produkto sa isang maayos at kahalintulad na produkto; b) agarang pagbalik ng halagang ibinayad sa produkto, c) naaayong pagbaba ng presyo ng nabiling produkto.

Thirty (30) days ang ibinibigay ng batas sa mamimili upang gawin ang alin man dito. Ngunit maari din naming iklian ng hanggang seven (7) days o habaan ng hanggang one hundred eighty (180 days) ang pagkakataon ng consumer.

Kaya po tingnan níyo sa resibo kung ilang araw ang ibinibigay sa inyo upang agad na maisagawa ang pagbabalik/pagrereklamo tungkol sa nabiling produkto.

Show comments