Manipis na ang kuwelyo, sabi ng hilot na nakatingin sa akin.
Lalabas na ba ang bata? tanong ko sa hilot.
Sa loob ng kinse minuto, mabilis na sagot.
Lumabas ako ng bahay kubo dahil sa maalinsangan. Pero ang totoong dahilan ay ako ang napapahiya sa sobrang paghiyaw ng nanganganak sa bawat hilab ng tiyan.
Kung sigaw lang ay matatanggap ko. Ang hindi ko matiis ay ang pagmumura ng babae laban sa asawa. Sa bawat paglait sa asawa ay sinusundan ng hiyaw na, Tingnan mo ang ginawa mo sa akin. Walanghiya ka! Sana ay ikaw ang magdusa at masaktan.
Umupo ako sa bangko sa harap ng bahay na may lilim. Ang lalaki ay tahimik na nakaupo sa pangalawang baitang ng hagdan na parang walang naririnig. Pito na pala ang kanilang anak at ikawalo ang nasa tiyan.
Nang narinig namin ang iyak ng bagong luwal na sanggol ay pumasok ang lalaki sa bahay. Paglabas ay sumigaw nang, Babae, pambayad ng utang.
Ang hindi ko makakalimutan ay ang kanyang huling sinabi, Diyos, isang bibig na naman ang aking pakakainin.