Noong Huwebes ay inaprubahan na ng Senado ang kontrobersiyal na 25-year mega-franchise ng Meralco para makapag-operate at mag-maintain ng distribution system ng koryente sa maraming bahagi ng Luzon kabilang na ang Metro Manila. Sa 14 na senador, 12 ang bumotong pabor samantalang dalawang senador ang nag-abstain. Ang dalawa ay sina Senators Vicente Sotto III at Serge Osmeña III. Sa pagkakaapruba sa mega-franchise, sinabi ni Sen. Joker Arroyo na walang ibang power firm maliban sa Meralco ang makapagdi-distribute ng kuryente sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at maraming bahagi ng Batangas, Laguna, Quezon at Pampanga.
Bakit napakadali naman yata ng pag-aapruba at walang kahirap-hirap na nakuha ang kontrobersiyal na mega-franchise? Lumalabas na tanging ang Meralco na lamang ang makapangyarihan at may karapatang magsuplay ng koryente. Hindi maaaring pumasok ang ibang power company. Sa nangyaring ito, patuloy ang serbisyo ng Meralco sa mga kawawang consumers. Patuloy ang paniningil nila ng purchased power adjustment (PPA), walang habas na pagtataas at ang di-makatarungang pagputol sakalit maatrasado ang pagbabayad ng consumer.
Naaprubahan ang kontrobersiyal na mega-franchise na walang konsultasyon sa mga consumers group at hindi man lamang naungkat ang tungkol sa sobrang singil na ginawa ng Meralco sa consumers. May P42 billion ang sobrang singil ng Meralco na kailangan nilang ibalik, alinsunod sa utos ng Supreme Court. Subalit matigas sila at walang kinatatakutan.
Ngayon ngay nakakita na naman sila ng kakampi sa katauhan ng mga senador. Inihalal ng taumbayan ang mga senador para malapitan sa oras ng kagipitan. Ngayon, ang kinakampihan ng mga senador ay ang Meralco at nalimutan na nila ang taumbayan.