Kawawa ang maaapektuhan ng giyera at kasama rito ang Pilipinas. Ang Middle East ang santuwaryo ng mga overseas Filipino workers (OFWs). Tinatayang may 1,365,612 OFWs ang nasa Middle East. Sa Kuwait na lamang na halos katabi ng Iraq ay may 60,000 OFWs. Sa Saudi Arabia ang pinakamarami na tinatayang nasa 950,000 at sa UAE na malapit din sa Iraq ay may 170,000. Kapag tumagal ang giyera, mawawalan sila ng trabaho. Saan sila pupunta kapag naging malubha na ang giyera sa Iraq? Ang mga OFWs sa Middle East ang pinakamalaking mag-remit ng dollar sa Pilipinas. Dahil sa kanila kaya nakabangon ang bansa.
Nang sumiklab ang giyera noong 1990, maraming OFWs ang napilitang umuwi upang hindi madamay sa giyera. Masama ang naging epekto sapagkat nabawasan ang ipinadadala nilang dolar. Kung magtatagal ang giyera ngayong, tiyak na malaki ang magiging epekto sa dollar na ipadadala ng mga OFW.
Bagong pakikipaglaban ng mga OFW ang nangyayaring labanan ngayon sa Iraq. Kung matindi ang pagnanais ni Bush na maalis si Saddam Hussein ang mga OFW ay mas matindi ang nararamdamang takot kapag lumala ang giyera at walang magagawa kundi ang umuwi rito sa bansa. Nakatatakot ang magiging resulta sapagkat gutom ang haharapin. Mas matindi pa sa sumasabog na bombang pinauulan ng US sa Baghdad.
Sinabi ni Mrs. Arroyo na nakahanda ang Pilipinas sa mga mangyayari. Madaling sabihin iyan. Paano ang gagawin sa milyong OFWs na maaaring mawalan ng trabaho? Ngayon pa lamang dapat nang ihanda ng pamahalaan ang pagdadalhan sa kanila sakalit ilikas na lahat sa Middle East. Hingin ni Mrs. Arroyo ang tulong ng US sa pagkakataong ito. Hindi biro ang bagong giyerang dinaranas ng mga OFW.