Maraming beses na tinalakay ng BANTAY KAPWA ang problema ng unti-unting nawawasak na Banaue Rice Terraces at nagbunga ang mga nalathala sa pitak na ito para mailigtas ang nabanggit na one of the wonders of the world. Itoy sa magkasanib na puwersa ni President Gloria Macapagal-Arroyo at mga opisyales ng Mt. Province.
Sa puntong ito pinapanawagan naman ng BANTAY KAPWA na dapat na kumpunihing mabuti ang Kennon Road para maiwasan ang aksidente. Matatandaan na malaki ang naging pinsala sa Kennon Road ng lindol noong 1990 na marami ang namatay na nagresulta ng sobrang pinsala ng mga pagguho ng lupa sa Kennon Road.
Isa pa pinakapamosong Zigzag road sa mundo ang Kennon Road na tinagurian ding isa sa mga engineering feat noong early 1900. Sinimulan ang konstruksyon ng 20 kilometrong daan noong 1903 at natapos ito noong 1905. Umaabot sa 400,000 trabahador ang gumawa sa kalsada na karamihan ay mga Japanese. Maraming buhay ang nalagas habang ginagawa ang Kennon Road na ayon sa mga taga Mt. Province ay maraming kaluluwa ang hanggang sa ngayon ay hindi matatahimik, kaugnay ng konstruksiyon ng Kennon Road.