Ako ay isang OFW dito sa Hong Kong. Noong nakaraang taon, nabasa ko sa inyong kolum ang tungkol sa Housing Bond program ng Pag-IBIG. Nagkaroon ako ng interes dito. Alam kong magkakaroon ng kaseguruhan ang pera ko rito.
Paano at saan ba ako maaaring bumili ng bond dito sa Hong Kong. Maaari ba akong magbayad sa I-remit center? Maaari ba ninyo akong bigyan ng karagdagang impormasyon ukol dito?
Maraming salamat. NANCY ng Hong Kong
Ang Pag-IBIG Housing Bonds ay bukas sa lahat ng ating mga kababayan, dayuhan at mga kompanya. Ito ay iniisyu ng Home Development Mutual Fund para pondohan ang kanyang housing loan program. Limang taon at isang araw ang termino nito at maaring bayaran sa Development Bank of the Philippines bilang Facility or Trustee Bank.
Sa mga OFWs, maaari kayong bumili ng housing bond sa Philippine Consulate Office sa bansang inyong pinagtatrabahuhan. Mayroong nakatalagang Information Officer ang Pag-IBIG doon kung saan maari kayong bumili at magbayad ng bonds. Maari rin kayong bumili sa I-remit centers. Dalhin lamang ninyo ang application form, TIN at dalawang valid IDs. Pagkabayad ninyo, bibigyan kayo ng Pag-IBIG Housing Bond Certificate mula sa Development Bank of the Philippines.
Sa inyong housing bond, makakatanggap kayo ng 8 percent bawat taon. Wala pong buwis na ipapataw. Makukuha po ang interes nito sa inyong ATM o Savings Account.