Babala sa nurses

NURSE ka ba na nire-recruit para magtrabaho sa US? Babala: Makipag-deal sa legal na recruiter lamang ng US hospital, school o doctor’s office. Huwag magbayad ng kahit anong recruitment fee. Binabayaran na ng US employer ang recruiter o consultant ng halagang 10 percent ng unang-taong suweldo ng nurse, na hindi ibabawas sa ni-recruit.

Ilan pang paalala at paglilinaw ni Mel Reyes ng RN Solutions:

(1)
Kailangan ng CGFNS accreditation para mag-nurse sa US. Madali mapuwesto kung pasado sa NCLEX exam sa Guam o Saipan.

(2)
Dapat pasado rin sa Test of Spoken English (TSE). Maaari mag-review sa TESDA-accredited training centers para sa mas madaling Test of English as Foreign Language (TOEFL).

(3)
Lahat ng aplikante ay dadaan sa visa screening ng US embassy. Ihanda lahat ng papeles-birth at marriage certificate, transcript of school records, passport, atbp.-para lakarin ng recruiter.

(4)
Nurse ang trato sa doktor na nag-a-apply bilang nurse. Lahat ng requirements, dapat i-submit din. Walang special privilege sa doktor.

(5)
May mga ospital na nagbibigay ng sign-in bonus pagpirma pa lang ng recruit na nakalusot sa visa screening. Kung minsan, sa halip na sign-in bonus, ospital ang nagbabayad ng immigration fee sa embassy.

(6)
Bahagi ng immigration processing ang pag-sponsor ng nagre-recruit na ospital. Tiyaking meron nito ang recruiter o consultant.

(7)
Humingi ng brochure tungkol sa ospital at lugar nito. May mga ospital na nagbibigay ng housing allowance sa ilang unang buwan.

(8)
Taunan kung mag-usap ng suweldo sa US. Kadalasang starting pay ay $40,000 a year. Ospital ang magbabayad, hindi recruiter o registry. Ang karaniwang kontrata ay tatlong taon.

(9)
Hindi agad binibigyan ng greencard (resident alien o permanent resident status) ang recruit pag tapak sa America. Dapat mag-apply, pero sa tindi ng nurse shortage sa US, puwedeng six months lang na hintay.

(10)
Ang hintay naman mula ma-recruit hanggang ma-dispatch sa US ay karaniwang 9-12 months. Masikip ang butas ng karayom.

Show comments