Pagsisisi mula sa kasalanan

ANG pagsisisi sa mga kasalanan ay nakalulugod na gawain sa panahong ito ng Kuwaresma. Si Jesus, sa Ebanghelyo ngayon, ay pinagsabihan ang mga Judio na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan (Lk. 11:29-32). Subalit hindi sila natinag. Sa kanilang sarili, sila'y mabuti, malapit sa Diyos at walang dapat pagsisihan.

"Samantalang dumaragsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, 'Napakasama ng lahing ito! Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas. Kung paanong naging isang palatandaan si Jonas sa mga taga-Ninive, gayon din naman, magiging isang palatandaan sa lahing ito ang Anak ng Tao. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at sila'y hahatulan niya ng kaparusahan. Sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na hindi hamak kay Solomon ang naririto! Sa Araw ng Paghuhukom ay titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto!'"


Si Jonas ay sinugo sa mga taga-Ninive upang tulungan silang magsisi sa kanilang mga kasalanan. Nagtagumpay siya. Nagsisi ang mga taga-Ninive sa kanilang mga kasalanan. Sinabi ni Jesus sa mga Judio na may mas hihigit pa kay Jonas. At yaon ay nasa katauhan mismo ni Jesus, ang Anak ng Tao. Sa katauhan ni Jesus may nangungusap nang may karunungan. Higit pa sa karunungan ni Solomon.

Kokondenahin ni Jonas ang mga Judio sapagkat tumanggi silang magsisi. Kokondenahin sila ng reyna mula sa timog. At kokondenahin din sila ni Jesus.

Ang mga pag-iisip na ito ay para rin sa atin. May mga kasalanan ba tayo na dapat nating pagsisihan? Ang mga araw na ito ang panahong magsisi. Hinihintay tayo ni Jesus. Itinaya ni Jesus ang kanyang sarili para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Lumapit tayo kay Jesus nang may pagtitiwala at hingin ang kanyang kapatawaran.

Show comments