"Susunod na si Erap?"

MARAMING nag-text sa inyong lingkod tungkol sa paglaya ni Jinggoy, maaari na bang sumunod ang tatay nitong si dating Presidente Joseph Ejercito-Estrada?

Ang sagot d’yan ay depende sa Sandigan Bayan, kung saan dinidinig ang kaso ng mag-ama. Maaalala natin na dalawang taon ding naka-detain si former mayor, Jose "Jinggoy" Estrada para sa kasong plunder at inakusahan ito na may conspiracy ang mag-amang Estrada pati na si Ed Serapio, na siyang lumalabas na tagapamahala ng foundation funds para di-umano kay dating Presidente Joseph Estrada.

Si Jinggoy ay matatawag nating under "containment." His movements were confined sa isang hospital, ang Veteran’s Memorial Medical Center. Nung una’y sa Santa Rosa, Laguna, subalit di nagtagal ay inilipat ang mag-ama sa VMMC kung saan ito ang naging tahanan ng mag-ama sa loob ng dalawang taon.

Nais ko ring ipaliwanag sa ating mga tagasubaybay, na hindi dahil nakapag-piyansa si Jinggoy ay abswelto na ito sa kaso o mga kasong isinampa sa kanya. Haharapin pa niya ang mga ito! Ang ibig sabihin lamang nito ay maaari ang Sandigan Bayan ay naniniwala na hindi tatakbuhan ni Jinggoy ang kanyang kaso at pupuslit sa ibang bansa, o hindi masyadong malakas ang ebidensya laban sa kanya sa kasong Conspiracy to Plunder.

The Plunder case still has to be heard and tried. Si Jinggoy ay mabibigyan ng pagkakataon upang ipagtanggol ang kanyang sarili na hindi naka-detain at meron itong kalayaan na kumilos ng malaya ayon sa itinatalaga ng mga conditions na nakasaad sa kanyang pagka-piyansa.

Ang bail ay P500,000 pesos. Sa ganang akin, sa palagay ko rin ay tama lamang na bigyan ng pagkakataon si Jinggoy na makapag-bail, dahil ako rin man ay hindi kombinsido na tatakbuhan nito ang kanyang kaso. Ayoko namang magkomento tungkol kay dating Presidente Estrada, dahil dinidinig pa ng korte ang petition nito, kung meron mang inihain ang kanyang mga abogado na Motion for Reconsideration o ito ba ay ibinasurang muli ng Sandigan Bayan?

Madalas kong madinig nuon at maski hanggang nung huling beses na nakita ko si Erap na humarap sa Senado na paulit-ulit nitong binanggit na wala silang balak na lisanin o takbuhan ang bayang sinilangan, dahil kung meron man ay ginawa na nito nun pa at tinanggap ang alok daw, ni Secretary of Justice Hernando B. Perez na umalis na lamang ng bansa para hindi na nagulo pa ang sitwasyon natin. Tinanggihan ito ni Erap at buong loob na pinili nito na maiwan sa Pilipinas at harapin ang mga kasong mabibigat, sing bigat din ang parusang katapat kung mapapatunayang nagkasala siya.

Maganda rin ang dating sa mata ng tao, ang makita ang mga kaibigan ni Jinggoy Estrada na sina Rudy Fernandez at Philip Salvador na silang nagbayad ng bail ni Jinggoy na P500,000 pesos sa korte at sinundo pa rin nila ang kanilang kaibigan. Di ring maiiwasang mapansin ang patutsada ni Ipe na nandito silang dalawa ni Daboy upang ipakita na ang kanilang samahan ay buo, sa hirap at ginhawa at binigkas ang salitang walang iwanan. Dati yata apat sila, sino ba yung kumalas mga kaibigan? Hindi na importante yun. Sa kanila na lang yun at personal nilang dapat pag-usapan yan.

Kalimutan muna natin ang kaso ng mag-amang Estrada. Hindi mo rin maiiwasan ang ma-emosyong paghalik ni Jinggoy kay Erap nang sila’y maghiwalay at dinig na dinig natin nang sabihan ni Erap ang kanyang pinakamatandang anak ng mga katagang, "Ang lola mo, ‘wag mong pababayaan." Isang anak na inihahabilin ang kanyang ina. "Si lola, titingnan mo. Huwag mong pababayaan." Ang lakas ng dating nito sa tao.

Mas lalong naging epektibo nang sundan ng TV network ang pakikipagkita ni Jinggoy sa kanyang lola. Madamdamin. Daig ang anumang teleserye. For the "icing on the cake," ika nga, isang Thanksgiving mass ang inialay sa paglaya ni dating mayor Jinggoy Estrada. Kung hindi pa napiga ang lahat ng inyong luha sa awa, tinupad ni Jinggoy ang kanyang pangako sa kanyang amang si Erap na araw-araw nitong bibisitahin. Nuong gabi ring yun, bumalik siya sa VMMC para matulog, kasama ang kanyang ama.

Hindi naman sa nang-iintriga tayo, parang hindi ko yata nakita si Senator Ping Lacson o anino man nito. Nakita n’yo ba si Senator Ping? Baka naman hinayaan nung tao ang mga sandaling yun para sa pamilya ng mga Estrada. Pero, teka, nandun sina Daboy at Ipe. Baka naman hindi ko lang nakita si Senator Ping.

Iba’t iba ang naging reaksyon ng mga kilala ko at pati na rin ang nag-text sa atin tungkol sa paglaya ni Jinggoy. Kayo mga mambabasa ng CALVENTO FILES, anong reaksyon n’yo sa pagbigay ng korte ng desisyong makapag-bail si Jinggoy Estrada? Anong masasabi n’yo? Paki-text n’yo lamang sa 09179904918. Maaari rin n’yong itawag sa CALVENTO FILES 7788442 para madinig ang inyong boses sa isyung ito.

Show comments