Mismong si Defense Sec. Angelo Reyes ang nagsabi na kagagawan ng MILF rebels ang pambobomba. Isang lalaki na nagngangalang Montasser Sudang, 23, ang suicide bomber. Nasa backpack umano ni Sudang ang bomba at sumabog sa karamihan ng taong naghihintay sa kanilang mga kamag-anak sa parating na eroplano. Isa si Sudang sa mga namatay.
Pinabulaanan naman ng MILF ang bintang ng military. Hindi umano sila ang may kagagawan. Hindi umano nila kilala si Sudang. Ayon naman sa mga kamag-anak ni Sudang, ito ay isang karaniwang magsasaka lamang at kaya nasa airport ay upang salubungin ang kanyang pinsang DH galing sa Egypt. Kasama umano ni Sudang sa pagsalubong sa airport ang 29 na kamag-anak. Isang palaisipan, kung bakit ang suicide bomber na tulad ni Sudang ay magpapakamatay kasama ang kanyang mga kamag-anak.
Kamakalawa ay sinampahan na ng gobyerno ng kasong kriminal ang matataas na lider ng MILF. Kasama sa mga kinasuhan si MILF chief Hashim Salamat, ang military chief na si Ebrahim Murad, political affairs chief Ghadzali Jaafar at ang kanilang spokesman na si Eid Kabalu.
Mabilis ang military at Defense department sa pagtukoy sa MILF na may kagagawan sa karumal-dumal na krimen. Nakapagtataka lamang kung bakit naging mahina sila sa pagtunog na may magaganap na pambobomba. Mahina ba ang kanilang intelligence kung kaya nakapasok ang sinasabi nilang suicide bomber? Nakapangangamba ang ganitong pangyayari sapagkat kung nakalusot ang suicide bomber sa airport, paano na lamang kung ang puntiryahin ay ang mga palengke, bus terminal at ang LRT.
Paigtingin pa ng gobyerno ang paglaban sa terorismo. Magkaroon pa ng malalim na paniniktik ang military. Tiyakin ang mga galaw ng terorista at maging maingat sa lahat ng oras.