Pero bago ang marahas na hakbang, tukuyin muna ang utak ng karahasan. MILF ba, Abu Sayyaf, NPA o yung mga gustong dumiskarel sa usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF)?
Kahit walang martial law ay ubrang patindihin ng pulisya at militar ang pagtatanod para hindi makalusot ang mga terorista. Iyan ang tungkulin ng mga tagapagpatupad ng batas at tagapangalaga ng seguridad.
Kung daraanin sa referendum, tiyak ko na nakararaming mamamayan ang papabor sa martial law. Pero naniniwala ako na dapat maging last option iyan. Bastat tupdin lang nang siyento-porsyento ng pulisya at militar ang tungkuling mangalaga sa bansa, hindi magkaka-puwang ang mga tagahasik ng ligalig. Dapat ring tanuran ang ating mga port of entries, isang pananagutang kailangang gampanang mabuti ng ating Bureau of Immigration.
Kaya nag-react si Immigration Chief Andrea Domingo sa haka-haka na foreign terrorists ang may kagagawan sa Davao blast. Hindi raw. Kasi nga naman, BI ang mapuputukan dahil binayaang makapasok sa bansa ang mga foreign terrorists. Kaso kinukumpirma naman ni Sec. Reyes na may remnants pa ang Al Qaeda sa Pinas.
Dapat ring magkaroon ng mas epektibong intelligence network ang gobyerno upang maagapan ang ano mang balak ng mga kalaban ng kapayapaan.
Ang problema, gahol sa impormasyon ang intelligence network kaya nga pinagbibitiw sa tungkulin ng mga mambabatas si Defense Secretary Angelo Reyes. Ang mga dahilan ng pambobomba sa Davao City ay puro espekulasyon at haka-haka. Hindi matumbok ang tunay na ugat. Pati nga yung walong suspek kuno na naunang dinampot ay pinalaya na dahil sa kakulangan ng ebidensiya. Tingin ko politika pa rin ang dahilan. Walang pagkakaisa. Yung mga tunay na may nalalaman ay sinasadyang ipitin ang wastong impormasyon dahil itoy baka maging kredito ng ibang opisyal.