Sinira ang sarili

GALIT ang taga-Mindanao – Muslim, Kristiyano, Lumad – sa pagbomba ng Moro Islamic Liberation Front sa electric towers. Nalugi ang maliliit at malalaki-mga pabrika at sari-sari store, negosyante at arawang kawani. Bida ang gobyerno sa pagbalik ng koryente sa loob lang ng isang araw. Kaya abot-abot ang pag-deny ni MILF spokesman Eid Kabalu na sila ang sumira sa hanapbuhay ng nananahimik na mga tao.

Pero sinadya ng MILF ang pagbomba. Sa palagay nila, paraan 'yon ng pagpapakita ng lakas. Sa kasaysayan ng kapangyarihan, ginagamit ang dahas para paamuin ang mamamayan. Pero may hangganan: Lahat ng gumagamit ng dahas ay bumabagsak din. Tila hindi ito natutunan ni Kabalu, na umano'y abogado't iskolar ng kasaysayan. Huli na ang pag-deny niya sa terorismo. Sinira na ng MILF ang sarili at suporta nila.

Gan'un din ang New People's Army na madalas naman manira ng Smart at Globe cellphone towers. Akala nila nakaka-show of force sila, pero kinamumuhian lang ng madlang nawawalan ng kontak sa mundo. Akala nila hindi alam ng tao na naninira sila dahil ayaw magbayad ng Smart at Globe ng "progressive tax" na ipapasa rin sa subscribers. Sinira lang ng NPA ang dating imahe na tagapagtanggol ng inaapi.

Iba na ang mundo. Dahil sa global telecommunications, alam na ng tao ang nagaganap sa ibang bansa sa panonood lang ng telebisyon at pagbabasa ng tabloid. Batid ng taga-Mindanao na walang demokratikong Islamic state sa mundo. Ang Saudi Arabia, Kuwait, United Arab Emirates at Iran ay pawang monarkiya o diktadura. Batid ng tao na miski China, na pinamumunuan ng Communist Party, sumasabay na sa kapitalismo.

Mambomba man ng electric at cellphone towers ang MILF at NPA, hindi pa rin sila susuportahan ng tao. Pahiwatig nga ni Kabalu na NPA ang nambomba sa Mindanao para ibintang sa MILF at palalain ang gulo. Papaano kung MILF naman ang mambomba sa Luzon at Visayas para ituro sa NPA? E di sila na ang nagsiraan sa isa't isa. Abangan: Sapol ni Jarius Bondoc, Sabado, 8 a.m., sa DWIZ (882-AM).

Show comments