Habang binabaybay ang nasabing ruta, sa kahabaan ng North Diversion Road, nabangga ang jeepney ni Daniel ng isang ten wheeler truck, na pag-aari ni Benito at minamaneho ni Anton, kung saan namatay ang isang pasahero at nasugatan ang ilan. Inako nina Benito at Anton ang pananagutan sa aksidente. Binayaran nila ang gastos sa ospital pati na rin ang namatayan. Nang inalok nila si Daniel para sa pagpapagawa ng nasirang jeepney ng P20,000 hanggang P40,000, tumanggi pa ito. Hiniling ni Daniel mula sa kanila ang P236,000, halaga ng sira ng jeepney. At dahil hindi sila nagkasundo, nakarating ito sa korte.
Pinaboran ng mababang hukuman si Daniel at iniutos nito na magbayad sina Benito at Anton ng P236,000 kasama ang interes. Kinumpirma ito ng CA.
Kuwinestiyon ni Benito ang desisyon ng korte. Ayon sa kanya, hindi raw dapat gawin partido si Daniel sa kaso dahil hindi naman ito ang nakarehistro bilang may-ari at operator ng nasabing jeepney. Dagdag pa niya na kung kikilalanin ang operator sa ilalim ng kabit system na may interes sa kaso at sasang-ayunan ang hinihiling nitong bayad-pinsala, isa itong paglabag sa nasabing patakaran iginiit din niya na ang P236,000 ay malaking halaga at hindi naaayon sa P30,000 na halaga ng jeepney. Tama ba si Benito?
Mali po. Ang layunin ng batas sa pagbabawal ng kabit system ay upang makilala ang mananagot kung sakaling nagkaroon ng aksidente at para na rin maproteksyunan ang publiko. Kung hindi nalinlang at nasangkot ang publiko, walang gamit ang nasabing patakaran.
Sa kasong ito, ang pagpapatupad ng pagbabawal ng kabit system ay hindi magagamit. Una, sina Graciano at Daniel ay walang pananagutan sa pinsala; Ikalawa, ang sanhi ng aksidente ay ang kapabayaan ng truck na gumagamit ng pampublikong daanan kaya walang representasyon o paglilinlang na ang ginamit na jeepney ni Daniel ay pag-aari ni Graciano; Ikatlo, hindi naman naabala ang publiko sa ilegal na kasunduan nina Daniel at Graciano. Bagkus ay si Daniel pa nga ang napinsala kaya hindi makatarungan na ipagkait sa kanya ang hinihinging bayad-pinsala.
Ang igagawad na halagang P236,000 ay hindi mapansamantala. Kung hindi naaksidente si Daniel, patuloy pa rin itong kikita ng P300 kada araw sa pagmamaneho ng jeepney. Ang halaga ng kikitain niya ay kasama sa igagawad na bayad-pinsala kaya ito ay nararapat at hindi isang teorya lamang. Kabilang sa pagbabayad ng pinsala hindi lamang ang aktwal na halaga ng nasira kundi pati na rin ang halaga ng sana ay kikitain ni Daniel (Lim st. al va. Court of Appeals G.R. 12581 January 16, 2002).