Mayaman ang wikang Filipino

LABIS ang aking pagkamangha sa yaman ng ating wika. Nadama ko ito nang ako ay tumira sa nayon sa matagal na panahon. Doon ko nalaman na ang isang salita sa Ingles ay maraming katumbas sa wikang Filipino.

Halimbawa ang salitang lift sa Ingles ay buhat ang kahulugan sa Filipino. Pero marami pa itong kahulugan. Kapag sa balikat tinatawag itong pasan at kung sa ulo ay sunong. Kung sa batok ay saklang. Pag ginamitan ang pagpasan ng mahabang kahoy, ang pagbuhat ay tinatawag na pangko.

Ang string ay nag-iiba ang salita sa Filipino batay sa laki o sukat. Pag maliit o pino ang tawag ay pisi, paglaki ay kordon hanggang sa maging lubid.

Ang rinse ay ganoon din. Kilala sa tawag na laba pero tinatawag ding hugas, ang pangalawa ay anlaw ang pangatlo ay banlaw at ang kahuli-hulihan ay hawhaw.

Ang salitang recede ay nawala ang ibig sabihin sa Filipino pero kung gagamitin sa pagtigil ng hangin, ang tawag dito ay hupa. Kung ulan ay tila o hulaw.

Kung sa fever ang pakahulugan tinatawag na hibas, kung galit ay lipas, kung sa dami ay bawas, kung sa kulay ay kupas, sa iyak ay tahan at sa pag-ibig ay maliw.

Hangang-hanga ako sa wika natin ang Filipino. Ipinagmamalaki ko.

Show comments