^

PSN Opinyon

Wanted: Bayani ng Bayan

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
HABANG ako’y nakasakay sa aking kotse, binabaybay namin ang kahabaan ng EDSA. Kahapon, February 25, hindi ko mapigilan ang aking sarili na malungkot. Makasaysayan ang EDSA. Punong-puno ng alaala. Isang milagro ang naganap sa lugar na ito. Ni isang patak ng dugong Pilipino hindi dumanak. Bagamat mga tangke, kanyon, armalite, helicopter gunners at kung anu-ano pang mga matataas na kalibre ng baril ay hindi natin ininda. Hinarang ng mga rosaryo, mga imahe ng Sto. Niño, ng ating Birheng Maria, ang mga ito. Labimpitong taon na ang nakakalipas. Napakabilis ng panahon.

Mga pari, madre, mga miyembro ng iba’t ibang religious groups nagkaisa sa isang panalangin. Ang panalangin na makaligtas sa tanikala na inilagay sa ating mga kamay at paa ng diktadurang rehimen ni Ferdinand Marcos. Ang sinimulan ni Senator Benigno Aquino nang ibinuwis niya ang kanyang buhay sa tarmac ng dating Manila International Airport at ang "culmination" nito ay ang pandaraya sa biyuda ni Ninoy na si dating Presidente Cory Aquino, ang siyang nagpasiklab ng alab ng puso, upang ang sambayanan ay tumugon sa mga katagang sinabi ni Presidente Cory, TAMA NA! SOBRA NA! PALITAN NA!

Isang milagro dahil kung hindi tayo pinatnubayan ng Panginoon at ng Mahal ng Birheng Maria, babaha ng dugo mula sa milyun-milyong Pilipino at marahil pati ang inyong abang lingkod ang hindi na rin ninyo mababasa ngayon.

Labimpitong taon! SEVENTEEN YEARS. Matagal na panahon. Ito’y naulit ng EDSA DOS at ang mga salitang dumagundong sa atin ng manumpa si deposed President Estrada sa kanyang inagural speech ay, "WALANG KAMAG-ANAK, WALANG KUMPARE, WALANG KAIBI-KAIBIGAN."

Napakagandang pakinggan mula sa isang taong ibinoto ng higit sa 12 milyong Pilipino. Aakalain mong pang-Famas talaga ang acting ni Erap. Yun pala, kaya walang kamag-anak, walang kumpare, walang kaibi-kaibigan, sa kanya lang pala lahat!

O di ba ganun nga ang nangyari. Wala ngang tiwala kahit kanino kaya’t umusbong nga yang Jose Velarde account na yan. Wala siyang tiwala kahit kanino. Kahit kay Pangulong Joseph Ejercito Estrada wala siyang tiwala kaya Jose Velarde ang binuksan na account sa Equitable Bank. Alam naman natin lahat ito.

Napadaan ako sa EDSA kahapon, hindi para magbalik tanaw. Doon ang daan papunta sa libingan ng aking ama sa Loyola Memorial Park sa Marikina. Tinanong ko ang aking sarili. Buhay pa ba ang Diwa ng Edsa? Imposible namang mamatay ito. Subalit sa hirap na dinaranas ng ating bayan, nating mga Pilipino, baka nakakaligtaan lamang. Buhay ‘yan mga kaibigan. Buhay na buhay sa ating puso at damdamin. Marami lamang bagay ang gumugulo sa ating isipan.

Kailangan lang natin siguro ay isang mamuno sa ating bayan sa oras ng pagsubok. Isang taong magiging tapat sa kanyang tungkulin. Isang taong ang layunin ay ihango ang mga Pilipino sa ating pagkalugmok sa kahirapan. Sino ang taong ito? Kung ayaw na ni GMA tumakbo sa 2004, kanino n’yo nakikita ang katangiang ito. Kay Danding Cojuanco? Kay Juan Flavier? Kay Lovely Loren?

Kay Noli de Castro? Kay Ping Lacson? Kay Raul Roco? Kay Tito Guingona? Kanino nga ba. I-text n’yo naman sa akin para malaman natin at sabihin lamang kung bakit n’yo napili ang taong ito.

Ang kailangan natin ay isang bayani. Our country needs a hero! Sino ang taong ito. Ano ang naghihintay na problema na dapat harapin?

Andyan ang kahirapan. Ang peace and order sa ating bayan. Ang giyera sa Mindanao. Ang giyera sa Gitnang Silangan. Nakakalula at nakakatakot isipin ang lahat ng ito. Pero sabi nga ng Panginoon, "we shall overcome this." Dumating ako sa puntod ng aking ama at nag-alay ng munting bulaklak. Lumapit sa akin ang aking pamangkin at hinalikan ako at sinabi ang mga katagang, "Peace be with you." Tiningnan ko siyang mabuti, napabuntong hininga at sinabing, "peace be with you, too." Yun din ang nais kong iparating sa lahat ng mga mambabasa ng CALVENTO FILES, mga tagasubaybay mula noon hanggang ngayon. Mga kaibigan, naging kaibigan, kamag-anak at pati na rin ang mga bumabatikos sa inyong lingkod. MAY THE PEACE OF THE LORD BE WITH ALL OF YOU! Biglang gumaan ang mabigat na damdamin sa aking dibdib.

Para sa anumang reaksyon, suggestions, comments, maaari kayong mag-text sa 09179904918. Maaari rin kayong tumawag sa 7788442.

ATING

BIRHENG MARIA

BUHAY

ISANG

JOSE VELARDE

KAY

PILIPINO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with