Nabubuska si Sotto sa isang bank document na minamanmanan ang mga malalaking deposito ng ilang politiko at hinihinalaang drug lords, kidnappers at terrorists. Bakit daw pinagsasama sila sa kriminal. At dahil sa ngitngit ng komedyante, este kongresista, sinuway ng Senado ang Financial Action Task Force ng mahigit 30 mauunlad na bansa.
Nais ng FATF na ayusin sana ng Kongreso ang tatlong bahagi ng Anti-Money Laundering Act: Una, ibaba ang threshold ng iimbestigahang bank accounts mula P4 milyon hanggang P500,000. Ibig sabihin, kapag may gumalaw na ganung halagang hindi maipaliwanag, mamanmanan na dahil baka galing sa maruming raket. Ikalawa, alisin ang pagkuha ng court order bago imbestigahan ang account. Ikatlo, alisin ang exemption ng mga pulitiko sa imbestigasyon.
Yung una lang ang sinunod ng Senado. Hindi inalis yung huling dalawa. Kayat nagbabala ang FATF na parusahan ang Pilipinas, na isa na lang sa dalawang nananatiling money-laundering capitals sa mundo. Pahihirapan ang overseas bank transactions ng mga Pilipino. Salamat kay Sotto, sisingilin ng $30-$40 ang bawat pagpapadala ng 7.5 milyong overseas Filipino workers ng pera sa mga pamilya sa Pilipinas, imbis ng $2-3 lang. Pati exporters at importers masasaktan. Tataas ang presyo ng pagkain ini-import at electronics na ine-export nila. Hihina ang kalakal.
Alam naman ni Sotto na may relasyon kung minsan ang pulitikot kriminal. Di bat isang mayor sa Quezon ang nahuli sa aktong pagdala ng 504 kilo ng shabu? Hindi bat nahalal sa local positions sa Mindanao ang ilang pinuno ng Kuratong Baleleng Gang ng kidnappers at bank robbers? Hindi bat isang senador ang nasangkot sa imbestigasyon kay suspected drug lord Alfredo Tiongco nung 1997? Oops, sino kaya yon?
Ipapataw ng FATF ang mga parusa simula Mar. 15. May panahon pang magbago si Sotto at kapwa-senador.