Pumirma bilang presidente at prinsipal ng SEI si Mr. Arce sa isang kasulatan kung saan binigyan niya si Mr. Coronel ng kapangyarihang pumasok sa negosasyon at kontrata sa konstruksyon ng mga bahay sa subdivision nito sa Bulacan.
Sa pamamagitan ng kasulatang ito, kinontrata ni Mr. Coronel si Mr. De Leon, isang arkitekto upang magtayo ng 80 bahay na may dalawang kuwarto sa halagang P45,000 at 18 na may apat na kuwartong duplex sa halagang P65,000.
Mula Oktubre 1978 hanggang Abril 1990, may 26 na bahay ang natapos gawin ni Mr. De Leon. Bayad na ang 13 rito ngunit ang natirang kalahati sa halagang P412,154.93 ay hindi pa nabayaran. Kaya nagsampa ng reklamo si Mr. De Leon laban sa SEI, kay Mr. Arce at Mr. Coronel.
Habang dinidinig ang kaso, nakatakas si Mr. Coronel at hindi na muling natagpuan. Samantala, iginiit naman ng SEI at ni Mr. Arce na hindi sila pumasok sa isang kasunduan kay Mr. De Leon dahil hindi naman daw nila binigyan ng awtoridad si Mr. Coronel na pumasok sa kahit anong kontrata sa konstruksyon ng mga bahay. Ayon kay Mr. Arce, ang negosyo ng SEI ay magbili ng lote at hindi magbili ng lote at bahay. Tama ba si Mr. Arce at ang SEI?
Mali. Isang ahensiya ang nabuo sa pagitan ng SEI at ni Mr. Coronel, kung saan kabilang sa kapangyarihang ibinigay sa kanya ay ang pumasok sa kontrata sa konstruksyon ng mga bahay tulad ng kasunduan nina Mr. Coronel at ni Mr. De Leon. Kaya may pananagutan ang SEI sa kontratang pinasok ni Mr. Coronel. Representasyon ang basehan ng isang ahensiya kung saan ipinaaalam ng ahente ang kanyang kapangyarihang umakto sa kapakanan o sa ngalan ng prinsipal na nagbigay ng pahintulot sa kanya.
Bukod dito, kahit naatasan lamang si Mr. Coronel na magbili ng lote ng subdivision tulad ng iginigiit ng SEI, may pananagutan pa rin itong bayaran si Mr. De Leon. Bilang pangatlong partido sa ahensiya nina Mr. Arce at Mr. Coronel, ibinatay lamang ni Mr. de Leon ang awtoridad ng ahente sa kapangyarihang nakatakda sa kasulatan. Ang saklaw ng awtoridad ng ahente ay yun lamang nakasulat at hindi makaaapekto sa mga pangatlong partido ang mga utos na hindi nakasaad sa kasulatan.
Kaya kahit na hindi nakapirma bilang partido ang SEI at si Mr. Arce sa kasunduan nina Mr. Coronel at Mr. De Leon, sila ay nasasaklaw nito. Kailangang bayaran ng SEI si Mr. De Leon ng P412,154.93 kasama ang legal na interes simula nang ihain ang kaso hanggang mabayaran ito ng kumpleto (Siredy Enterprises Inc. vs. Court of Appeals, G.R. 129039, September 17, 2002).